MANILA, Philippines- Inumpisahan ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo ang pagpapakilos ng 11,000 tauhan upang asistihan ang local government units (LGUs) sa pagtugon sa epekto ng Severe Tropical Storm Falcon.
Inatasan ang police forces — 2,000 pulis at 9,000-strong reactionary standby support team — na makipag-ugnayan sa local officials para sa posibleng preemptive evacuation, rescue and relief operations sa mga lugar na apektado o posibleng tamaan ng tropical cyclone, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
“Nakahanda ang inyong pambansang pulisya. In fact, ‘yung ating mga regional director lalong lalo doon sa mga lugar na sinasalanta ng bagyo ay meron silang discretion na itaas ‘yung alarma ng alert level nila,” ani Fajardo sa isang panayam.
Sinabi rin ni Fajardo na nagtalaga ang PNP ng 200 tauhan para maghatid ng P2.3 milyong halaga ng relief goods sa mga lugar na labis na napinsala ni Bagyong Egay.
“The PNP stands united with the Filipino people in facing the aftermath of Typhoon Egay. Our dedicated personnel are on the ground, ready to provide assistance and support to the affected communities. We are committed to ensuring the timely and efficient delivery of relief goods and aid to those who need it the most. Together, we will rise above this calamity and rebuild stronger and more resilient communities,” sabi ni PNP chief Gen Benjamin Acorda Jr.
Samantala, ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa lahat ng regional directors na paigtingin ang kanilang koordinasyon sa LGUs na labis na apektado ni Egay sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Mimaropa at Cordillera.
Sa emergency meeting nitong Linggo, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng koordinasyon ng DSWD – Field Offices sa LGUs sa pagtitiyak na agad na naipatutupad ang mga interbensyon.
“Part of the success natin is because the national agencies and local government units are talking, are coordinating,” ayon kay Gatchalian.
Iniatas ni Gatchalian sa regional directors na bilisan ang pagkakasa sa Emergency Cash Transfer program sa munisipalidad ng Sablayan insa Occidental Mindoro at northern provinces ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Apayao, Mountain Province at Cagayan.
Gayundin, tinupad ng Unites States (US) na tulungan ang mga kaalyado nito sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Marine Corps para maghatid ng supplies at magsagawa ng cleanup operations sa Laoag, Ilocos Norte. RNT/SA