Home HOME BANNER STORY PNP magtatalaga ng 34K pulis para sa Mahal na Araw, summer break

PNP magtatalaga ng 34K pulis para sa Mahal na Araw, summer break

MANILA, Philippines- Halos 34,000 pulis ang itatalaga sa matataong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa Holy Week at summer vacation, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na pananatilihin ng kapulisan ang presensya sa mga simbahan, tourist destinations, at major thoroughfares, kabilang ang bus terminals, airports, at seaports. Maglalagay din ng police assistance desks sa mga nabanggit na lokasyon.

“Ang ating Oplan SUMVAC (summer vacation), traditionally nagsa-start ng April 1 hanggang May 31, but since ang ating Semana Santa ay outside of the summer vacation ay nag-advance deployment tayo. Ito pa lamang Palm Sunday ay magde-deploy na tayo ng ating mga kapulisan diyan sa ating mga simbahan,” pahayag ni Fajardo.

Magsisimula ang Mahal na Araw ngayong taon sa susunod na linggo, March 24, sa Palm Sunday. Matatapos naman ito sa March 30, Black Saturday, at susundan ng Easter Sunday, kung saan ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang muling pagkabuhay ni Jesus.

“As a matter of practice, kapag ganitong mga Holy Week observance ay naka-heightened alert na tayo pero ang mga regional director are given the discretion kung sa mga area nila ay kailangan pang itaas ang full alert level. They have the authority and discretion to do so,” giit ng opisyal.

Ayon pa kay Fajardo, wala pang namo-monitor ang PNP na anumang bantang maaaring makagulo sa paggunita sa Semana Santa, subalit patuloy na makikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine Coast Guard (PCG).

Para naman sa summer break, inihayag niyang higit-kumulang 7,000 tourist police ang ipakakalat sa major tourist spots para sa seguridad ng local at foreign tourists. Nasa 400 K-9 o police service dogs naman ang aasisti sa pagsuri ng mga bagahe para sa posibleng droga o bomba. RNT/SA

Previous articleNilinaw: TP lang ang nagsara, Tape, Inc., buhay pa!
Next articleResidential area sa Alabang nagliyab!