MANILA, Philippines- Inabisuhan ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardon nitong Martes ang publiko na mag-ingat sa mga talamak na krimen tuwing Undas.
“Normally po kapag ganitong malaki iyong volume ng mga tao ay theft, salisi, at physical injury,” pahayag niya sa isang news conference nang tanungin ukol sa mga karaniwang krimen tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Pinayuhan ni Fajardo ang publiko na ingatan ang kanilang mga gamit kapag bumibiyahe at bumibisita sa mga sementeryo. Sinabi rin nito na iwasang magdala ng malaking halaga ng pera.
Hinihikayat din na huwag ilagay ang gadgets at mobile phones sa bulsa dahil maaari itong manakaw lalo na at inaasahan ang kumpulan ng mga tao, ayon kay Fajardo.
Ayon pa sa opisyal, ipinagbabawal ang alak sa ilang lugar upang maiwasan ang pagtatalo na maaaring mauwi sa pisikalan sa panahon ng Undas.
Pinaalalahanan din ng PNP official ang publiko sa karaniwang ipinagbabawal na dalhin sa sementeryo tulad ng matutulis na bagay.
Gayundin, ayon kay Fajardo, iwasang magpunta ng mga bata, senior citizens, at mga buntis sa sementeryo para sa kanilang kaligtasan.
Nitong Martes ng umaga, marami na ang nagtungo sa mga sementeryo bago ang Undas habang pinaigting naman ng mga awtoridad ang seguridad at traffic management bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga tao. RNT/SA