Home NATIONWIDE PNP naghihintay ng resulta sa paraffin, ballistic tests sa pagkamatay ni Ronaldo...

PNP naghihintay ng resulta sa paraffin, ballistic tests sa pagkamatay ni Ronaldo Valdez

MANILA, Philippines – Matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng beteranong aktor na si Ronaldo Valdez noong Linggo, Disyembre 17, naglabas naman ng pahayag ang Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa QCPD, sa kasalukuyan ay nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa posibleng dahilan ng pagkamatay ni Ronaldo Valdez, o James Gibbs sa tunay na pangalan.

Sa ulat, sinabi ni Major Don Don Llapitan, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, na natagpuan sa kwarto ang aktor na may tama ng bala. Nakita rin ang baril sa naturang kwarto.

“Si Sir Ronaldo Valdez ay nakaupo po sa kanyang upuan, wala na pong malay. May tama sa right temple at ‘yung baril na ginamit nga ay nasa kamay pa rin ‘yung baril po,” ani Major Llapitan.

Sinabi ng QCPD na hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.

Dahil sa natagpuang baril sa kwarto, lahat ng mga nasa bahay ni Valdez ay isinailalim sa paraffin test.

Bahagi ito ng standard operating procedure sa mga insidente ng krimen, ngunit hindi nangangahulugan na ang mga ito ay sangkot sa pangyayari.

Hinihintay pa ang resulta ng paraffin at ballistic tests. RNT/JGC

Previous article25 suspek arestado sa Bataan sa alleged diesel smuggling
Next articleP8.9M jackpot sa MegaLotto 6/45 nasolo ng mananaya; P511M mailap pa rin!