MANILA, Philippines – Naghihintay pa ang Philippine National Police (PNP) ng specific guidelines sa implementasyon ng “money ban” sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sinabi ni PNP chief information officer Police Brigadier General Red Maranan nitong Lunes, Agosto 28.
“Up to now ay hinihintay pa natin ang mga specific guidelines kung paano i-implement ‘yan,” ani Maranan sa panayam ng DZBB.
Sinabi ni Maranan na full support ang PNP sa “money ban” ng Commission on Elections.
“Susuportahan natin ‘yang panukala ng Comelec na money ban. Full support tayo diyan,” aniya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Comelec na magpapatupad ito ng “money ban” sabay-sabing ang “presumed” vote buying at selling ay ipinagbabawal.
Ani Comelec chairperson George Garcia, ipagbabawal ang pagdadala ng P500,000 cash limang araw bago ang mismong araw ng eleksyon.
Exempted naman dito ang mga taong ang trabaho ay ang pagdadala ng pera katulad ng cashier, payroll workers, at iba pa, ngunit kailangang magpakita ng ID bilang proof of employment.
Ilalatag din ang mga checkpoint para sa money ban.
Ito umano ang kauna-unahang ipagbabawal ang acts of presumed vote buying at selling.
Ayon kay Garcia, nagpatupad na rin ang Comelec ng money ban noong 2015 ngunit sakop lamang nito ang withdrawal ng cash. RNT/JGC