MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda silang tiyakin ang mapayapang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
“Ang election naman ay on a regular basis nagaganap ‘yan, may templated security preparation na kami dyan. Handa na ang PNP,” ani PNP Public Information Office chief PCol Redrico Maranan sa isang briefing nitong Lunes.
Nagbabala naman si Maranan sa mga private armed groups (PAGs) na paiigtingin pa ng PNP ang kampanya laban sa loose firearms.
“Pwedeng gamitin ito ng mga unscrupulous individuals na may connection sa election. Pero pwede rin gamitin sa personal, business rivalry — tinitingnan natin ‘yan,” aniya pa.
“Gusto nating magbigay ng babala dun sa mga miyembro ng mga active PAGs. Ang PNP ay nakabantay at nakatutok sa inyo,” dagdag pa ng opisyal.
Nang tanungin hinggil sa mga election areas of concern, sinabi ni Maranan na ang Commission on Elections ang nakatalagang ilabas ang listahan. RNT