MANILA, Philippines – Nangako si Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda Jr. nitong Sabado, Agosto 26 na mapaparusahan ang mga pumatay sa 15-anyos na binatilyo mula sa Rodriguez, Rizal.
Sa pahayag, sinabi ni Acorda na nasa kustodiya na ng PNP si Corporal Arnulfo Sabillo at kasama nito na si Jeffrey Baguio, na itinuturing na mga suspek sa pagpatay kay John Frances Ompad noong Agosto 20.
Nasaktan din ng mga suspek ang 19-anyos na kapatid ni Ompad na si John Ace.
Siniguro naman ni Acorda sa publiko, partikular na sa pamilya ni Ompad na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng binatilyo.
“We are committed to ensuring that the bereaved family finds justice for their deceased loved one. Such actions are deeply regrettable and do not represent the values of the Philippine National Police. We will ensure a thorough and impartial investigation and appropriate action will be taken against those found responsible,” ani Acorda.
Mahaharap sina Sabillo, 37, at Baguio, 27, ng reklamong homicide at attempted homicide kasunod ng pagkakaaresto sa kanila isang araw matapos ang pamamaril.
Inalis na rin sa pwesto ang lahat ng mga tauhan ng Community Police Assistance Center 5, kung saan nakadestino si Sabillo, para bigyang-daan ang imbestigasyon.
Ayon sa report, nagmamaneho ng motorsiklo si John Ace pauwi ng kanyang bahay nang parahin ni Sabillo na nakasibilyan, kasama ng isa pang suspek.
Dahil sa takot na mga kriminal ang dalawang suspek, tumangging huminto ang biktima at inihagis ang helmet nito sa mga suspek, sabay nagpatuloy pauwi ng bahay.
Bilang tugon ay pinaulanan ng bala ng dalawang suspek si John Ace ngunit tinamaan ang kapatid nitong si John Frances na lumabas ng bahay.
Tinamaan sa tiyan ang biktima at nasawi habang ginagamot sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Ang isyung ito ay ilang linggo lamang matapos namang makapatay din ang mga pulis sa Navotas ng isang binatilyo matapos mapagkamalang suspek sa isinasagawa nilang follow-up operation ngunit kalaunan ay nadiskubreng inosente pala ang biktima. RNT/JGC