Home METRO PNP official kalaboso sa inilantad na sex video nila ng kalaguyo!

PNP official kalaboso sa inilantad na sex video nila ng kalaguyo!

MANILA, Philippines- Sa kabila ng patuloy na paghikayat ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng tauhan nitong isulong ang agresibong kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan, napaulat na isa sa senior officers nito, isang police colonel, ang kasalukuyang nahaharap sa patong-patong na kaso dahil sa umano’y pag-record ng video ng kanyang “maiinit” na sandali kasama ang isang babaeng kasal na, nang hindi nito alam, at paggamit nito upang pilitin ang babaeng ipagpatuloy ang kanilang bawal na relasyon.

Bukod dito, ipinadala ang isa sa nasabing sex videos sa messaging app ng menor-de-edad na anak ng babae, habang ibinahagi rin ang screen grab ng video sa asawa nito.

Dahil dito, nagsampa na ng patong-patong na kaso ang babae laban sa 52-anyos na police colonel kabilang ang paglabag sa Republic Act (RA) 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Children Law, at RA 9995, o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Sa reklamong inihain niya sa Quezon City Prosecutor’s Office, sinabi ng biktimang nakilala niya ang pulis nang umorder ito ng nameplate noong December 2020 sa pamamagitan ng messaging app. 

Noong panahong iyon, inihayag ng biktimang may problema sila ng kanyang asawa kaya naman ang pulis ang naging tagapayo niya kung paano ito malalampasan.

Napunta ang kanilang pag-uusap sa business partnership, na kalaunan ay nauwi sa extramarital affair. 

Paglalahad ng biktima, nauna na niyang napansin na kumukuha ng video ang pulis gamit ang kanyang smart phone at nang ipabura niya ang nasabing video, nagalit umano ang police official at nangakong buburahin ito.

Lahad pa ng biktima, ilang ulit niyang tinangkang wakasan ang kanilang relasyon simula noong 2021 subalit pinagbabantaan umano siya ng police colonel na ipadadala ang video sa kanyang asawa.

Dahil dito, nagpatuloy ang kanilang relasyon na nagresulta sa mas maraming video kahit na walang pahintulot ng babae.

Base pa sa kanya, napilitan din umano siyang ibigay ang perang inuutang ng police colonel dahil sa pagbabanta nito gamit ang video.

Nagsimula umano ang malaking gulo noong Enero ng kasalukuyang taon nang komprontahin siya ng isang Facebook user na nagpakilalang asawa ng police colonel.

Gamit umano nito ang parehong Facebook account, na nagpadala ng sex video sa kanyang menor-de-edad na anak at screengrab nito sa messaging app ng kanyang asawa.

Dahil dito, labis umanong naapektuhan ang kanyang pamilya. Subalit aniya, napag-usapan na nila ito ng kanyang asawa at nagdesisyon silang magsampa ng kaso laban sa police official.  RNT/SA

Previous articleBwelta ng DFA sa Tsina: Paggiit ng ‘historic rights’ sa S. China Sea ‘baseless and misleading’
Next articleChristine Bermas, nahirapang umungol sa ‘Rita’!