MANILA, Philippines – Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na makakakuha na ito ng lead sa mastermind sa kaso ng mga nawawalang sabungero matapos maaresto ang anim na suspek sa Paranaque City.
Ani Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, handang makipagtulungan ang ilan sa mga naarestong suspek para sa karagdagang impormasyon sa kaso.
Sinabi rin ni Acorda na posibleng maharap din sa reklamo ang mga may-ari ng mga bahay kung saan naaresto ang mga suspek dahil sa “obstruction of justice” kung mapatutunayan na pinatuloy ng mga ito ang mga suspek.
Samantala, naniniwala ang isa sa ka-relasyon ng nawawalang sabungero na posibleng “planted” ang pagkakaaresto bilang bahagi umano ng paraan para tapusin na ang kaso.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina
Julie Patidongan, Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Roberto Matillano, Jr., Johnry Consolacion, at Gleer Codilla, na posible umanong “planted.”
Sa kabila nito, itinanggi naman ng abogado ng mga ito na si Atty. Angelo Santos, ang naturang paratang.
“Evidently, such allegation is not true. They were arrested by virtue of a warrant of arrest and now detained,” giit ni Santos.
Hindi pa nakakausap ni Santos ang kanyang mga kliyente kasunod ng pagkakaaresto sa mga ito sa dalawang magkaibang subdivision sa Paranaque.
Tumanggi rin itong magkomento sa kaso laban sa kanyang mga kliyente dahil pending pa ito sa korte.
Sa hiwalay na report, ang mga suspek na dating mga security guard ay kasalukuyang nasa CIDG Region 4A.
Natukoy naman ng PNP-CIDG ang kinaroroonan ng mga suspek sa pamamagitan ng isang informant.
Inaresto ang mga ito kasunod ng dalawang buwang surveillance operation.
Naghain ng pormal na reklamo ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, at magkapatid na James Baccay at Marlon Baccay laban sa anim na security officers ng Manila Arena kaugnay ng kanilang pagkawala noong Enero 2022.
Ang mga reklamong six counts of kidnapping at serious illegal detention ay inihain noong Marso 18, 2022.
Hinikayat naman ng PNP ang sinumang may impormasyon kaugnay sa kaso na magsumbong sa kanila, at sisiguruhin ang proteksyon sa mga ito. RNT/JGC