Home NATIONWIDE PNP walang nakikitang mali sa pag-aresto sa UP prof

PNP walang nakikitang mali sa pag-aresto sa UP prof

79
0

MANILA, Philippines – Walang nakikitang mali o paglabag sa 1992 agreement sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nangyaring pag-aresto kay
UP Diliman professor Melania Flores, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Nitong Lunes, Pebrero 13, sinabi ni Azurin na nagpapatupad lamang ng arrest order na inilabas ng isang “competent court” ang PNP nang arestuhin nila si Flores — dating presidente ng All UP Academic Employees Union — sa kanyang tahanan noong Pebrero 6, dahil sa bigo nitong pagpapasa ng social security contributions sa kasambahay na kinuha nito noon.

“I don’t see any violation doon sa pag-se-serve ng ating police ng ating warrant of arrest,” sinabi pa ni Azurin sa press briefing.

Sa ilalim ng kasunduan ng UP-DILG na pirmado ni dating UP President Jose Abueva at noon ay Interior Secretary Rafael Alunan III noong 1992, kailangan na may abiso muna ang pulisya kung magsasagawa ito ng operasyon sa anumang bahagi ng campus ng unibersidad maliban na lamang sa mga insidente ng hot pursuit at kahalintulad na emergency, o ordinaryong pagdaan sa UP premises.

“As far as the status of the UP-DILG agreement, I think it’s very clear naman doon. It’s about the observance of academic freedom. And of course, siguro, the manner of entering the UP campuses, nandoon din,” paliwanag ni Azurin.

Patungkol naman sa pag-aresto kay Flores, sinabi niya na isinasagawa lamang nila ang nararapat para sa standing warrant of arrest.

“Hindi naman naka-indicate doon (UP-DILG accord) na hindi mo pwedeng i-serve iyong warrant of arrest sa specific area. Kahit saang area, kung saan matutunton iyong wanted [person], kailangan i-serve mo iyong kanyang warrant of arrest,” ani Azurin, sabay sabing binasahan din ng umarestong pulis ng Miranda rights si Flores.

Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang mga opisyal ng UP sa di-umano ay paglabag na nagawa ng Quezon City police sa pag-aresto kay Flores sa loob ng campus, kasabay ng pangako na gagawin nito ang kaukulang legal na hakbang upang hindi na maulit ang ganitong insidente.

Si Flores ay itinuturing na “most wanted person” ng Quezon City Police District (QCPD) para sa warrant of arrest nito noong Setyembre 2022 mula kay Judge Maria Gilda Loja-Pangilinan ng QC Regional Trial Court Branch 230.

Sa kabila nito, sinabi ng akusado na hindi niya alam ang naturang kaso laban sa kanya hanggang sa arestuhin na lamang siya ng mga pulis na naka-sibilyan, sabay sabing hindi man lamang siya sinabihan ng korte patungkol dito. RNT/JGC

Previous articleKUMUSTA NA ANG PAGLILINIS SA PULISYA
Next articleKaso ng dengue sa NegOcc lumobo ng 142.62%