MANILA, Philippines – Dapat na maging prayoridad ng susunod na pinuno ng Land Transportation Office ang “massive shortage” sa plastic cards sa driver’s license, ayon kay Senador Grace Poe nitong Lunes, Mayo 22.
Ang pahayag na ito ni Poe ay kasunod ng pagbibitiw sa pwesto ni LTO chief Jose Arturo Tugade.
Naniniwala ang senador na dapat ay “on top of the situation” si Transportation Secretary Jaime Bautista.
Bagama’t wala pang pinangangalanan na bagong LTO chief, iginiit ni Poe na ang liderato ng ahensya ay hindi dapat nakaaapekto sa trabaho at obligasyon nito sa publiko.
“As it is, the LTO is left with a small elbow room to produce the plastic cards for licenses to avert a massive shortage. We expect the new leadership will make this a priority, together with clearing up existing backlogs such as vehicle license plates,” pahayag niya.
Kasabay ng pagbibitiw ni Tugade, sinabi nito na ang dahilan ay ang pagkakaiba sa public service methods ng kanyang ahensya at ng Department of Transportation (DOTr).
Noong Abril, inihayag ni Tugade na nagbabadya na magkulang ang suplay ng plastic cards para sa mga driver’s license.
Aniya, kung pinayagan lamang ng DOTR ang LTO na makapagpatuloy sa plano nitong bumili ng karagdagang suplay ng bagong driver’s license cards noong Enero ay hindi sana ninipis ang suplay nito.
Sa kabila nito, sinabi ng DOTR na bibilhin nito ang nalalabing bahagi ng suplay ng driver’s license cards “after the LTO’s failure to undertake procurement activities in compliance with the existing rules.” RNT/JGC