Home METRO ‘Pogi’ natagpuang nakabitin sa footbridge

‘Pogi’ natagpuang nakabitin sa footbridge

MANILA, Philippines – PATAY na nang matagpuan ang isang palaboy na lalaki habang nakabitin sa ilalim ng isang footbridge sa Caloocan City.

Inilarawan ng pulisya ang biktimang si alyas “Pogi”, ayon sa bansag sa kanya ng kanyang mga kapwa palaboy na nasa edad 40 hanggang 50, nakasuot ng pulang t-shirt, short pants at pulang tsinelas.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-7:20 ng umaga nang makita ang nakabiting bangkay ng biktima sa ilalim ng footbridge sa kanto ng EDSA at A. De Jesust St. na may nakapulupot na kable sa kanyang leeg.

Una ng sinisi ng ilang mga netizen ang sala-salabat na kable ng telcos sa lugar na posible umanong pumulupot sa leeg ng biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Gayunman, lumutang ang 68-anyos at 41-anyos na kasamahang palaboy ng biktima at nagpahayag sa pulisya na pagpatiwakal umano ang biktima na sanhi ng kamatayan nito.

Sa pahayag ng mga testigo kina P/SSg. Nino Nazareno Paguiringan at P/SSg. Rodolfo King Bautista, may hawak ng kaso, napuna na nila ang panginginig ng katawan ng biktima at hindi mapakali bunga ng depresyon bago matuklasan ang kanyang bangkay.

Sinabi ni Col, Lacuesta na patuloy pa rin nilang hinahanap ang pinakamalapit na kaanak ng biktima para sa kanyang pagkakakilanlan habang nakalagak ang kanyang bangkay sa Ezequiel Funeral Services kung saan isasailalim pa sa autopsy examination. Rene Manahan