Home METRO POGO ban resolution aprub sa Batangas City Council

POGO ban resolution aprub sa Batangas City Council

MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Batangas City Council ang resolusyong nagbabawal sa aplikasyon at operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa lungsod.

Ikinasa ang desisyon sa regular session noong Lunes, Hunyo 24, 2024.

Kasunod ito ng mga isyu at gumugulong na Senate investigation sa POGOs sa Bamban, Tarlac, na kinasasangkutan umano ng local government unit (LGU) doon.

“Saying it is with regard to the issue at Bamban, Tarlac na investigation ng Senate sa POGO involving the LGU. It would give assurance din sa mga Batangueno na hindi dapat matakot sa mga POGO activities dito sa Batangas City,” pahayag ni Nestor Dimacuha, chairman ng Committee on Laws and Rules.

Binanggit sa resolusyon na dinudungisan umano ng POGOs ang dignidad ng LGU, kaya kailangang itigil ang operasyon nito sa lungsod. Nagsisilbi rin itong babala sa mga negosyong lihim na nagsasagawa ng POGO operations.

Hihilingin ng konseho sa alkalde na ipawalang-bisa ang permits ng mga establismiyentong mapatutunayang nagsasagawa ng ilegal na operasyon bilang POGOs.

Pinapayuhan naman ng Batangas City Council ang mga residente at barangay officials na manatiling alerto sa kanilang mga lugar. RNT/SA