
MALA-ADOBENG pader ang sinasandalan ng operator ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO hub sa Pasay City na ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at mga kawani ng Department of Justice kung kaya’t matagal na panahon na malaya itong naka-operate sa kabila nang nasa nguso lang ito ng mga pulis.
Imposible nga naman na walang alam sa lantarang prostitusyon at pang-aabuso sa ating mga kababaihan ang ilang nagbubulag-bulagang mga pulis gayong nasa gilid lang ang istasyon nila ng malaking building kung saan isinasagawa ang malalaswang aktibidad ayon pa kay Senador Risa Hontiveros.
Batid ng taumbayan na kung hinuhuthutan nga ng ilang buwayang opisyal at kasapi ng PNP ang mga pasugalan,peryahan,tupada at iba pang iligal na sugal, eto pa kayang malakihan ang hatag ng mga POGO na pawang mga Chinese sa mga awtoridad kapalit ng operasyon nitong ugat ng naglalakihang krimen tulad ng prostitusyon,human trafficking, torture,kidnap for ransom at online scams.
Sabi nga ni Senador Sherwin Gatchalian,maliwanag pa sa sikat ng araw na bahagi ito ng isang malaking sindikato na nagsasagawa ng malawakang operasyon sa bansang protektado ng ilang tiwaling opisyal ng pulisya na tinapalan na ng kwarta ang mga matang nagsisilbing protektor ng mga iligal na gawain nito.
Ilan pa kayang POGO hub sa bansa ang patuloy na nag-ooperate sa kabila nang panawagan ng mga mambabatas na ipatigil na ito bunsod sa maliit na nga ang binabayaran nitong buwis,malalaki pa ang utang ng mga may-ari sa pamahalaan?
Maniniwala kaya ang sambayanan na wala itong sinasandalang mga opisyal ng gobyernong nagpapasasa sa “tongpats” mula sa operators nito samantalang ginagawang gatasan nga ng ilang ganid sa kwartang mga pulis?
Walastik talaga ang plastada ng POGO na ‘yan kung saan pati siguro mga tanod ng barangay ay kumikita pa sa ibinibigay ng mga Tsino na bistado na ang kalakaran ng pasugalan sa bansang tinatapalan ng kwarta ang awtoridad upang malaya pa sa ibong lumilipad sa himpapawid ang pag-ooperate nito.
Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]