Home NATIONWIDE ‘POGO kung ugat ng lagim, layas!’ – Bong Go

‘POGO kung ugat ng lagim, layas!’ – Bong Go

215
0

MANILA, Philippines – KUNG nagiging dahilan lamang ng lagim o iba’t ibang krimen gaya ng patayan at kidnapping na nakaaapekto sa mga Pilipino, sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go na makabubuting lumayas na lamang sa Pilipinas ang mga negosyanteng nasa likod ng operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Kaugnay nito’y nanawagan si Sen. Go na muling suriin ang “cost and benefits” na nauugnay sa POGOs sa gitna ng lumalaking problema ukol sa kanilang pagkakasangkot sa mga kriminal na aktibidad.

Sa panayam matapos bumisita sa Tanauan City, Batangas, binigyang-diin ni Go na mahalagang masusing masuri ang epekto ng mga POGO sa seguridad ng bansa at pangkalahatang kapakanan ng mga Pilipino.

“Ang previous position ko diyan, tingnan ang cost and benefit, kung ano ho ba, makabubuti ba ito, ano ba ang epekto nito, ano bang makatutulong sa gobyerno at ano naman po ang magiging epekto nito sa peace and order,” ani Go.

“Mas importante po sa akin ang peace and order. Kung sila po ang naghahasik ng lagim dito at apektado po ang Pilipino, mas mabuting umalis na lang po sila dito,” dagdag ng senador.

Nagsampa ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) laban sa limang Chinese citizen kasunod ng pagsalakay kamakailan sa pitong POGOs establishments sa Las Piñas City.

Sinabi ni Brigadier General Redrico Maranan, chief information officer ng PNP, ang mga kasong isinampa laban kina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan, at LP Hongkun ay kinabibilangan ng human trafficking at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang operasyon ay humantong sa pagsagip sa mahigit 2,700 indibidwal, pinaniniwalaang nagtatrabaho sa industriya ng POGOs.
Nasa 1,500 sa mga nasagip ay Pilipino habang ang iba ay mga dayuhan na pangunahing nagmula sa Southeast Asian at Middle Eastern countries.

Sa nakalipas na ilang taon, ang mga POGO ay naging makabuluhang industriya sa bansa kung saan nakakukuha ng malaking kita at mga oportunidad sa trabaho.

Gayunpaman, ngayon ay naging malaking alalahanin na ang mga POGO dahil sa mga ulat na kriminal na aktibidad na nauugnay sa mga operasyong ito sa pagsusugal.

Naniniwala si Go na dapat isaalang-alang ng gobyerno ang mga potensyal na panganib at negatibong kahihinatnan na maaaring lumabas dahil sa presensya ng mga POGO sa bansa sa kabila ng epekto nito sa ekonomiya.

“Kung may nasasaktang Pilipino, pwede na ho silang umalis. Importante sa atin ang peace and order. Mas marami pong Pilipino ang gustong mabuhay nang tahimik,” ani Go.

“Nagnenegosyo sila dito tapos apektado naman ang peace and order, kung Pilipino ang nasasaktan umalis na lang kayo! Pabor ako kung saka-sakali na i-ban sila,” dagdag ng senador.

Iminungkahi ni Go ang mas malakas na pagpapatupad ng mga umiiral na batas upang pigilan ang mga kriminal na aktibidad sa POGOs.

Binigyang-diin niya na ang anumang industriya na tumatakbo sa loob ng bansa ay dapat sumunod sa mataas na pamantayan ng integridad at mag-ambag ng positibo sa lipunan. RNT

Previous articleNCGP higit na buwisan, ‘wag junk food – Tulfo
Next articlePangamba ng malawakang bentahan ng agrarian reform lands, pinawi ni PBBM

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here