Home HOME BANNER STORY Police Major nanglingkis, nanghalik, nanlamas ng magandang parak, sibak

Police Major nanglingkis, nanghalik, nanlamas ng magandang parak, sibak

Bulacan – Nasa floating status na ang mataas na opisyal ng pulisya na umano’y nangyakap, nanghalik at nanglamutak ng patrol woman sa istasyon ng pulisya sa bayan ng Plaridel.

Kinilala ang pulis na si PMaj. Gerardo Navarro, legal age, residente ng Baliwag habang ang nagrereklamo ay itinago sa pangalang  “Ayen” ang patrolwoman na kapwa may asawa at nakatala sa Plaridel police station.

Ayon sa report at base sa reklamo, bandang 3:00 ng madaling araw nitong Hunyo 7 ay natutulog ang babaeng kabaro sa WCPD office ng istasyon nang magising umano sa isang mahigpit na yakap at halik sa leeg ng opisyal.

Nabatid din sa report na sinubukang pumiglas ng biktima subalit patuloy umano siyang hinalikan sa labi, leeg at dinakma ang kanyang dibdib.

Biglang napatigil at tuluyang umalis  ang suspek nang makita niyang humagulgol ang biktima kaya ito nakaligtas sa pagtatangka, ayon na rin sa report.

Dahil dito, sinasabing agad inilipat sa Provincial Headquarters ang opisyal na nasa floating status habang nagsasagawa sila ng Pre-charge investigation laban dito.

Sakaling mapatunayan ang reklamo laban sa opisyal ay mahaharap siya sa kasong paglabag sa R.A 7877 (Anti- Sexual Harassment Law).

Sinusulat ito, pilit na kinukuha ang panig ng naturang opisyal.(Dick Mirasol III)