Home NATIONWIDE Polisiya sa paglalayag ng barko ‘pag may bagyo, inapela ng isang shipping...

Polisiya sa paglalayag ng barko ‘pag may bagyo, inapela ng isang shipping company

MANILA, Philippines – Nakipagpulong ngayon ang ilang opisyal ng 2Go upang hilingin sa Philippine Coast Guard (PCG) na pag-aralan at suriin muli ang mga polisiya ng mga naglalayag na barko tuwing may umiiral na sama ng panahon sa bansa.

Sinabi ni Sharon Musngi-Ngo, VP Business Unit Head Sea Solutions ng 2Go sa isang briefing na nais nilang hilingin sa PCG na ikonsidera ang laki at kapasidad ng mga barko na maaring maglayag depende sa storm signal.

Aniya, inapela na nila ito sa PCG at may inisyal na silang pag-uusap kaya umaasa siyang matignan pa at mapag-aralan kung anong mga barko ang pwedeng maglayag kapag signal number 1 at sino ang may kakayahang maglayag kapag signal number 2 at iba pa.

“Kasi po ang gusto eh kung makokosidera po ng ating coast guard at nang government agency- gusto kasi natin maalwan po yung ating mga pasahero na kung kaya naman ng barko ay maisakay na po natin sila—makarating na po sila ng maayos sa kanilang patutunguhan,” pahayag ni Musngi-Ngo.

“Again we are abiding to the safety rules of coast guard, alam po naming safety is non-negotiable kaya po ang pakiusap naming ay baka pupwede pa nilang mas matignan at mapag-aralan,” dagdag pa ng opisyal.

Ang pahayag ng 2Go ay matapos mastranded ang halos 6,000 pasahero nang hindi payagang makapaglayag ang kanilang barko dahil na rin sa posibleng epekto ng bagyo sa mga lugar ng destinasyon ng mga biyahe nito.

Sa panig naman ng PCG, sinabi ni Coast Guard Public Affairs Service Acting Commander CG Rear Admiral Armando Balilo na kanilang isasangguni sa Department of Transportation (DOTr) ang apela.

“Tayo naman, bagamat mayroong history kung bakit nangyari yung pagbabawal ng mga barko na maglayag kapag sinal number 1– eh may panahon siguro na dapat ding rebyuhin at pag-uusapan namin dito sa Philippine Coast Guard,” pahayag ni Balilo.

Dagdag pa ni Balilo, ipagbibigay-alam niya sa maritime safety team ng Coast Guard ang kahilingan ng 2Go.

Mayroon na aniyang pinayagan ang PCG na ruta pero maiikli lamang at may parameters tulad ng tatawid lamang maikling oras at malayo pa ang bagyo at maganda pa ang panahon.

Sinabi pa ni Balilo, dahil sa demand ng mga pasahero at mabuksan ang isipan ng policy makers lalo na sa coast guard ay hindi malayong payagan ang kahilingan ng 2Go at iba pang shipping company. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePBBM nakahamig ng P14.5B kabuuang investment commitments sa Japan trip
Next articlePBBM nagpalabas ng EO No. 49; tanggapan na tututok sa investment, economic programs pinalilikha