Home NATIONWIDE Pondo ng PCG, pinadaragdagan ni Hontiveros

Pondo ng PCG, pinadaragdagan ni Hontiveros

MANILA, Philippines- Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Kongreso na dagdagan ang pondo ng Philippine Coast Guard (PCG) sa gitna ng patuloy na panghihimasok at panggigipit ng China sa West Philippine Sea kabilang ng pagkakalat ng pro-China “fake news peddlers.”

Sa paghahain ng resolusyon ni Hontiveros ay kinondena niya ang patuloy na panggigipit sa Filipino fishermen at patuloy na iligal na panghihimasok sa West Philippine Sea (WPS) ng Chinese Coast Guard at militia vessels.

“At the budget process, I encourage all of us to support the increase of the PCG’s intel funds. This is where confidential and intelligence funds should be allocated. This is where our money should go,” ayon kay Hontiveros.

“The PCG actually is facing a clear and present danger. Ang organisasyon tulad ng PCG ang dapat binibigyan ng mga confidential at intelligence funds, hindi yung mga ahensiyang sibilyan na wala namang kinakaharap na pagbabanta at panganib,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Hontiveros na kailangan ng dagdag na pondo ng PCG dahil patuloy na pinalalakas ng Chinese government ang pwersang militar nito sa ilang bahagi ng West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagpapatayo at pagpapatibay ng ilang artificial islands sa lugar kabilang ang sakop ng Pilipinas.

Kabilang sa ilang insidente ng harassment mula sa China ay ang water cannon attack noong 2021, pagtutok ng naval gun ng Chinese Coast Guard sa barko ng PCG na patungo sa Ayungin Shoal noong 2022, pagtutok ng military-grade laser sa PCG ship nitong February 2023, at nitong huli, ang water cannon attack noong August 5.

“Now, it has become clear that China has her eye on Ayungin Shoal. The water cannons, the military laser, the removal of a naval gun cover – all these severe provocations were against Philippine vessels making their way to Ayungin,” giit niya.

Ayon kay Hontiveros, dahil sa mga insidenteng ito, dapat palakasin ng bansa ang suporta sa Philippine Coast Guard sa ground o sa social media.

“Handa man ang Tsina na gawin ang lahat para manggulo sa West Philippine Sea… at subukan man nila ang lahat ng pangungutya at pang-aapi sa social media… lalo lang nila tayong pinagkakaisa bilang mga tunay na Pilipino,” ayon kay Hontiveros.

“Haharapin natin sila nang makatao at diplomatiko, at ipapakita natin sa mundo, muli at muli pa, na malulutas natin ang sigalot na ito sa paraang mapayapa at makatarungan,” dagdag niya.

Pinagwagian ng Pilipinas ang kasong isinampa laban sa panghihimasok ng China sa WPS na nagbabasura sa nine-dash line nito ng International Permanent Court of Arbitration (IPCA) sa The Hague noong 2016. Ernie Reyes

Previous articleAFP nagpasalamat sa int’l community sa suporta sa Pinas sa S. China Sea row
Next articleCOA bukas sa pagrepaso ng alituntunin sa confidential, intel funds