Home NATIONWIDE Porac Mayor, tatalupan, sususpendihin sa illegal POGO

Porac Mayor, tatalupan, sususpendihin sa illegal POGO

On Monday Senator Sherwin Gatchalian conducted an ocular inspection at a raided POGO hub in Porac, Pampanga, which consists of 46 buildings.Accompanied by PAOCC and CIDG, he discovered military uniforms of China's People's Liberation Army and torture equipment used on kidnapping victims. Cesar Morales

MANILA, Philippines – Hindi pinaniniwalaan ng isang mambabatas ang “palusot” ng alkalde ng Porac, Pampanga na wala itong kinalaman sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa kanyang nasasakupan na nilusob ng awtoridad kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na kanyang paiimbestigahan ang partisipasyon ni Porac Mayor Jing Capil sa operasyon ng POGO sa kanyang nasasakupan na nakapagpatayo ng malawak na kuta o hub sa lugar.

Nananatiling nalilito si Gatchalian kung paano “walang nalalaman” ang munisipalidad ng Porac sa illegal activities na malawak na POGO hub sa lugar kaya’t dapat susupendihin ang alkalde.

“Unang tanong ko paano nakalusot sa LGU at barangay. Ang mayor may malawak na kapangyarihan,” ayon kay Gatchalian.

Naunang nilusob ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) angn isang POGO compound sa Porac na may nakatayong 40 gusali. Mahigpit na pinabulaanan ni Capil ang pagiging POGO protector.

Ngunit, sinabi ni Gatchalian na sapat ang kapangyarihan ng alkalde na suriin ang negosyo ng POGO sa nasasakupan.

“Hindi puwedeng alisin ng LGU ang kanilang accountability lalo na sa ganitong scheme dahl 2,000 dayuhan ang pumapasok at lumalabas sa lugar, dapat nagdududa ka na,” ayon sa senador.

Kaya’t sinabi ng senador na dapat iimbestigahan si Capil at ipasuspendi sanhi ng pagpapabaya bilang alkalde ng Porac.

“Dapat ma-suspend siya… We have to bring it to the Ombudsman and ako ang recommendation ko tingnan na rin ang accountability ng mayor sa Porac dahil nakikita natin merong negligence dahil pinabayaan niyang mangyari ito sa kanyang lugar. Kung naging proactive siya dapat hindi na umabot sa ganito kalaki,” ayon kay Gatchalian.

Aniya, kanyang ihahain sa Senado ang pagsasawa ng imbestigasyon sa Porac POGO hub.

“In the case of Porac, gusto kong malaman ang accountability ng LGU, PAGCOR, at kung sino ang nasa likod nito,” aniya.

Samantala, natuklasan na tinangkang tumakas ng bansa ang isa sa ilang boss ng Lucky South 99 matapos itong madakip sa airport sa Davao City.

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nasabat ng Immigration sa Davao Airport nitong Linggo ng gabi ang sinasabing manager ng Lucky South 99.

Dinala na sa detention center ang babaeng Chinese manager ng POGO hub.

Idinetalye rin ng PAOCC sa isang press conference ang kanilang nadiskubre sa inspeksyon sa nasabing POGO hub.

Gaya ng obserbasyon sa ibang mga POGO hub, bukod sa self-contained community, halos pareho lang ang pinaniniwalaang nagaganap na krimen sa compound tulad ng torture, kidnapping at scam.

“May torture, may prostitution at tinatanong yung kanilang mga passport hindi sila pinalabas at pina-patrabaho, pare parehong POGO hubs,” ani Gatchalian.

Maging sa mga dokumentong narecover ay may pagkakapareho rin ayon sa CIDG.

“For the information of everybody including the PAOCC, we have seen some connections between Bamban and Porac POGO, those documents are still being studied and aside from that we are in the process of applying computer data seizure warrant,” ani Police Major General Leo Francisco, ang hepe ng CIDG.

Kabilang sa naging katanungan ni Gatchalian at PAOCC sa kanilang pag-iinspeksyon ay kung paano nakapagapawa ng ganito karaming gusali noong pandemya sa kabila ng mahigpit na pinagbabawal ang kontruksyon noong panahong iyon.

“Sa laki nito paano nakalusot sa mayor o sa barangay. Pwede ma-inspeksyon, sanitation, pwede mag-inspect. Dapat red flag kung isang mayor hindi pinapapasok, magduda ka na. Kung tahimik ka, parang kasama ka na,” paliwanag ng senador.

“Parang awkward na kami ang nasisisi , tapos sila ang may power…PAGCOR ang may accountability dito,” paliwanag ni Mayor Jing Capil.

Samantala, pinaiimbestigahan naman ni Philippine National Police chief General Rommel Marbil ang posibleng pagkakasangkot ng ilang pulis na protektor umano ng mga iligal na POGO hub.

Dagdag ni Marbil, naghahanda na sila sa pagsalakay ng iba’t ibang iligal na POGO sa bansa.

“We will have more search warrants for these illegal POGOs. Central Luzon initial focus muna namin, more than 10 sites. We will serve warrants sa mga lugar na ito,” aniya.

Samantala, nag-apply ng panibagong warrant ang PAOCC, ang “motion to break open vault” para mabuksan naman ang 52 vault na na-recover sa Lucky South 99.

Aalamin nila kung doon nakatago ang mga pera o kaya passport ng mga tauhan ng POGO hub.” Ernie Reyes