MANILA, Philippines – Pinalutang ng Sugar Regulatory Administration (SRA) nitong Martes, Mayo 16, ang posibilidad ng panibagong bugso ng sugar importation sa oras na matalo ng demand ang suplay ng lokal na produksyon ng asukal at mga nagdaang importasyon.
Sa pulong balitaan, sinabi ni SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona na umaasa siyang ang revised raw sugar production estimate na 1.831 milyon na metriko tonelada ngayong crop year 2022-2023 ay maaabot.
“Just in case, by May 30, if we determine talagang kulang, we will import a small,” ani Azcona.
Hanggang noong Mayo 7, ang kabuuang raw sugar production ay nasa 1.76 milyon MT.
Ayon sa SRA forecast inventory, posibleng magkaroon ng negative ending stock ng 552,835 MT sa katapusan ng Agosto 2023 ang bansa, ang pagtatapos ng milling season.
Kung magkagayon, kinakailangan ang nasa 100,000 MT hanggang 150,000 MT ng importasyon ng asukal. RNT/JGC