MANILA, Philippines – Binabantayan at pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang mga posibleng areas of concern sa papalapit na
Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre, sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Mayo 26.
Sa televised public briefing, sinabi ni
PNP public information office chief Police Brigadier General Redrico Maranan na nagsasagawa na sila ng evaluation kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (Comelec).
“Yan pa sa ngayong ang ating pinag-aaralan at tinitignan nating yung mga data. Binabalikan natin yung previous barangay, SK elections na naganap,” aniya.
“Sisilipin natin yung historical data. Yan ang ginagawa natin ngayon nagva-validate tayo, nag-iimbestiga tayo. Kinokompare natin lahat ng detalye,” dagdag pa ni Maranan.
Sa oras na matapos na ang proseso ay ilalabas na umano ng Comelec ang listahan ng election areas of concern para sa 2023 BSKE.
Maliban sa pagtukoy sa mga areas of concern, sinabi ni Maranan na sinisikap din ng PNP upang masiguro ang mapayapang pagdaraos ng eleksyon.
Nitong Lunes, sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na nasa 10,971 loose firearms na ang narekober, isinuko o nakumpiska mula sa 3,435 inarestong indibidwal simula Enero 1.
Nasa kabuuang 6,221 armas ang natanggap na ng PNP units para sa safekeeping.
Maliban sa areas of concern, binabantayan din ng PNP ang tatlong aktibong private armed groups (PAGs) at 45 potential PAGs na posibleng sangkot sa illegal na aktibidad na may kinalaman sa eleksyon. RNT/JGC