MANILA, Philippines- Mistulang kinalampag ni Senador Grace Poe ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na kumilos kaagad sa planong pagbabawas ng suplay ng tubig ng Maynilad Water Services Inc (MWSI) sa mahigit 600,000 customers na magsisimula sa Hulyo 12.
Sinabi ni Poe na dapat rebyuhin ng state regulator ng prangkisa ng MWSI kung nakatutugon ito sa mandato sa paghahatid ng malinis at mabilis na suplay ng tubig.
“Hindi dapat makampate ng MWSS sa bagay na ito dahil paulit-ulit na problema ang kakapusan ng suplay ng tubig na maapektuhan ang mahigit kalahating milyong consumers,” ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services.
“Dumadalas, humahaba ang oras at dumadami ang apektado dito sa water interruption. Hindi ito katanggap-tanggap,” giit pa ni Poe.
Ipinahayag ng Maynilad na makararanas ng kawalan ng suplay ng tubig ang customer nito ng siyam na oras kada gabi na magsisimula sa Hulyo 12 sanhi ng bumababang antas ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay Poe, dapat tukuyin ng MWSS na natutupad ng Maynilad ang obligasyon nito base sa nakatakda sa kanilang prangkisa.
“Dapat proactive ang MWSS. Hindi lamang ito tagasangga ng bade news sa consumer na tuwing magpuputol ng suplay ng Maynilad,” aniya.
Sinabi pa ni Poe na dapat kumilos ang Maynilad na mamuhunan at magtayo ng kapasidad ng suplay upang maiwasang mabulaga sa pagtaas ng pangangailangan sa maayos na tubig na nangyayari ngayon.
“Hindi dapat umasa na lang sa lakas ng buhos ng ulan. Kapag may water shortage, Angat Dam lagi ang sinisisi,” ani Poe.
Aniya, dapat maipaliwanag din ng MWSS at Maynilad sa publiko ang pangmatagalan at pang-maikling solusyon sa kakapusan ng tubig.
“Kasama sa awtorisasyon na ibinigay sa concessionaire na mamahagi ng tubig sa consumer na may seryosong obligasyon na maghatid ng episyenteng serbisyo,” ayon kay Poe.
Iginiit din ni Poe ang pangangailangan na lumikha ng Department of Water Resources upang magpokus sa paggamit, pamamahala at paglikha ng pagkukunan ng tubig.
Layunin ng panukala na kanyang inawtor na bigyan ang bagong kagawaran ng tungkulin sa pangunahing polisiya, pagpaplano, koordinasyon, pagpapatupad, monitoring at administrative entity ng executive branch ng gobyerno pagdating sa suplay ng tubig.
“Masyado nang maraming salungat at patung-patong na palpak ang regulatory framework at economic regulation na nagbibigay ng kakaibang setup, kaya nagreresulta ng kawalan ng katatagan at pagkakawatak-watak,” ayon kay Poe. Ernie Reyes