Home NATIONWIDE Precinct finder ‘di pa mailabas ng Comelec

Precinct finder ‘di pa mailabas ng Comelec

MANILA, Philippines – Hindi pa inilalabas ng Commission on Elections (Comelec) ang precinct finder para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (2023 BSKE) sa kanilang website dahil sa kamakailang hacking incidents kung saan ilang ahensya ng gobyerno ang nabiktima.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na una nang binalak ng komisyon na i-publish ang precinct finder noong nakaraang linggo.

Ayon kay Garcia, hinihintay pa ang go-signal ng DICT dahil sa isyu ng data privacy at intrusion sa mga data dahil sa mga nangyayaring hacking incidents.

Paliwanag ni Garcia, kapag na-hack ang precinct finder ay napakalaking problema ito lalo sa usapin ng mga impormasyon ng ating mga kababayan.

Sinabi ni Garcia na mayroong kabuuang 92 milyong botante sa BSKE 2023.

Sa bilang na ito, 68 milyon sa kanila, ayon kay Garcia, ay regular na botante habang 24 milyon naman ay SK voters.

Ang BSKE 2023 ay gaganapin sa Lunes, Oktubre 30.

May kabuuang 42,001 barangay chairperson posts at SK chairperson posts ang nakahanda sa nasabing halalan.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Oktubre 30, 2023 bilang isang espesyal na araw na walang pasok sa buong bansa para sa BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article3 turista patay sa nakatulog na drayber ng van
Next articleBatang babae at rider sugatan sa SUV