MANILA, Philippines – Matapos ang bagong tensyon sa mga barko ng China, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Martes, Agosto 8 na palalakasin nito ang presensya malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Nitong Sabado, hinarang at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng PCG habang ini-eskortan ng PCG ang mga charter boat na may dalang pagkain, tubig, gasolina, at iba pang suplay sa mga tauhan ng Philippine military na nakatalaga sa Ayungin Shoal sa Spratly Islands.
Nabigo ang isa sa mga charter boat na makarating sa shoal, habang ang isa pang bangka ay matagumpay na naibaba ang kargamento nito.
Sinabi ni PCG on the West Philippine Sea spokesperson Jay Tarriela na maaaring dagdagan ang ipadadalang barko na i-eskort sa resupply missions.
“We can also consider deploying the 97-meter vessel or the 83-meter vessel for us to have a much bigger boat to support the resupply mission,” sabi ni Tarriela.
Ang Ayungin Shoal ay humigit-kumulang 200 kilometro mula sa Palawan at mahigit 1,000 kilometro mula sa pinakamalapit na pangunahing lupain ng China, ang isla ng Hainan.
Nanindigan ang China na kinuha nito ang kinakailangang kontrol laban sa mga bangka ng Pilipinas na “iligal” na pumasok sa karagatan nito, at sinabi nitong Lunes na ito ay “professional and restrained.” Jocelyn Tabangcura-Domenden