Home OPINION PRESYO NG BIGAS SUKATAN SA PAGBABAGO

PRESYO NG BIGAS SUKATAN SA PAGBABAGO

SA Bulacan at ilang parte ng Metro Manila, may nakausap tayong nilapitan at pinapirma ng mga nagsusulong ng People’s Initiative o PI.

‘Pag tinatanong ang mga nagpapirma, katwiran nila, “para sa pagbabago.”

Kapag tinatanong ang mga nagpapapirma kung ano ‘yung “para sa pagbabago”, kennana, wala umanong malinaw silang paliwanag.

Nagmamadali pa silang lumakad para makarami.

Dito, hindi nakapagtatakang sapat na umano ang bilang ng mga pirma para isalang sa Commission on Elections at maberipika kung peke o hindi ang mga pirma.

Maaaring kasunod na ito nang pagsalang ng Comelec sa plebisito o botohan ng ‘yes’ o ‘no’ kung mag-iisang bumoto ang mga kongresman at senador sa pagwakwak sa Konstitusyong 1987.

Nais ng mga nagsusulong ng PI na wakwakin ang Konstitusyon upang maaalis umano ang mga bahagi nito na nagiging sagabal sa pag-unlad ng Pilipinas at mapalitan ng mga nilalaman na makatutulong sa pag-unlad.

Pero alam ba ninyo na hilong-talilong ang taumbayan kung ano-ano talaga ang mga wawakwakin at ang ipapalit?

Pero totoo kayang kabilang sa mga ibuburda sa Konstitusyon, eh, pagbebenta ng lupa sa mga dayuhan at magiging may-ari na ng lupa ang mga ito?

Eh kung ibebenta ang mga palayan at iba pang lugar na taniman, alagaan ng mga hayop o pangisdaan, anong pag-unlad ang aasahan ng mga Pinoy?

Ang tiyak, darami ang magiging iskwater sa sariling bayan…at lalong masisira ang produksyon ng bigas, gulay at yamang-tubig sa bansa sa pagliit ng mga lupang agrikultural.

Ang totoo, isang malaking sukatan sa pagbabago ang presyo ng bigas.

Sa palagay ba ninyo, kapag niretoke ang Konstitusyon, makaaasa tayo na magbubunga ito ng murang bigas, kasama na ang gulay at isda bilang pagbabago?

Lalo na kung magiging “for sale” ang mga lupang agrikultural sa mga dayuhan na maaaring magtayo ng negosyo, pabrika o kung agrikultural man, iluluwas nila ang produkto para sa sariling bayan ng mga dayuhan.

O pirma na para sa pagbabago, lalo na mula P100 hanggang tatlong libong piso ang suhol!

Kinnanyu!

Previous articleSIGA, MANDARAYANG DAYUHANG NEGOSYANTE
Next articleMULA NGAYON, SAAN PATUTUNGO ANG PINAS?