Home METRO Presyo ng galunggong bababa sa P130-P150/kilo sa Marso

Presyo ng galunggong bababa sa P130-P150/kilo sa Marso

MANILA, Philippines – Inaasahang mas bababa ang presyo ng galunggong sa susunod na dalawang buwan kasabay ng pagbabalik ng fishing season sa Marso, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Enero 16.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ang suplay ng galunggong ay inaasahang tataas sa fishing season, na magsisimula ng Marso at tatagal hanggang Hunyo.

“By February mahina pa yung huli niyan, but in March I expect bababa [ang presyo],” ani Laurel.

“Kung P200 ngayon, baka maging P150 o P130,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang taon, kinailangang mag-import ng DA ng galunggong at iba pang uri ng isda upang masakop ang shortage dahil sa closed fishing season.

Samantala, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DA na paunlarin pa ang aquaculture industry upang makapagbigay ng karagdagang trabaho sa mga mangingisda.

“Nag-emphasize si Presidente na kailangan natin iincrease yung aquaculture. At the end of the day that is what will feed our people,” pagbabahagi ni Tiu-Laurel.

“We have to repair the habitats, we have to let the fishing grounds rest for a few years para dumami pa ang isda,” dagdag niya.

Maliban dito, pinagsisikapan ding paunlarin ng DA ang seaweed industry ng bansa, kasabay ng pagbibigay ng malalaking bangkang pangisda sa mga kooperatiba. RNT/JGC

Previous articlePBBM ‘di pabor sa Cha-cha – Imee
Next articleFish delivery sa regional ports pumalo sa 47.9K MT noong Disyembre 2023