Home HOME BANNER STORY Presyo ng prutas sa Divisori nagsitaasan na!

Presyo ng prutas sa Divisori nagsitaasan na!

Nakahanda na ang mga panindang bilog na prutas sa isang pamilihan sa Maynila ilang araw bago ang Bagong Taon. Pinaniniwalaang swerte ang mga bilog na prutas sa pagsalubong sa bagong taon.

MANILA, Philippines – Ramdam na ang pagtaas ng presyo ng mga bilog na prutas sa sentro ng kalakahan sa Maynila, isang araw bago ang pagsalubong sa Taong 2024.

Sa Divisoria, ilang prutas na ang tumaas ng halagang P10 hanggang P70.

Bagamat may kamahalan na ang ilang bilog na prutas na isa sa mahalagang inihahanda sa lamesa sa pagsapit ng Bagong Taon, dagsa pa rin ang mga mamimili sa Divisoria partikular sa kahabaan ng bahagi ng Asuncion St.

Ilang mamimili ang tingi-tingi nalang kung mamili ng prutas makumpleto lamang ang labindalawang bilog na prutas.

Ang Ubas ay halos kalahati ang itinataas mula sa dating P180 ay umabot na sa P230 kada kilo.

Ang dating presyo ng Longgan ay P180 ngunit P250 na ngayon ang kada kilo.

Sampung piso naman ang itinaas ng Pakwan na nasa P60 lamang ang kada isang piraso na ngayon ay nasa P70 na .

P15 naman ang itinaas sa Melon na noon ay P60 kada isa ngunit P75 na ngayon ang presyo.

May mga prutas pa rin namang mabibili kada tumpok o tatlong piraso kada P100. Kabilang rito angansanas, ponkan, peras at Kiwi. Habang ang Kiat-Kiat ay mabibili kada isang balot sa halagang P50.

Ayon sa mga fruit vendor, asahan na magtataas pa ang mga prutas sa mga susunod na araw depende sa supplier na kanilang inaangkatan.

Samantala, hindi pa gumagalaw ang presyo ng ham sa kilalang bilihan sa Quiapo na naglalaro sa halagang mahigit P1300 hanggang P1700 kada kilo. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePBBM sa mga Pinoy: Tularan si Rizal sa pagmamahal sa Pinas
Next articleAktibidad sa Pista ng Nazareno, simula na ngayong Sabado