Home OPINION PRESYONG BIGAS ‘WAG SAMANTALAHIN

PRESYONG BIGAS ‘WAG SAMANTALAHIN

TINANGGAL na ni Pangulong Bongbong Marcos ang kontrol sa presyo ng dalawang uri ng bigas.

Wala nang P41 kada kilo para sa regular milled rice at P45 para sa well milled rice.

Bumalik na sa mga negosyante ang pagpepresyo ng bigas at bahala na ang mga mamimili na makipagtawaran sa kanila.

PAGSASAMANTALA NG RETAILER

Sana rin, iwasan ng mga retailer ang pagsasamantala sa mga kainosentihan ng mga mamimili.

Paano ba ang pagsasamantala?

Naku, iba’t ibang istayl ‘yan.

Isa na riyan ang basta paglilipat-lipat ng nakatusok na karatula sa mga kahon ng bigas.

Para sa mga hindi nakaaalam, mga Bro, minsanang kumukuha ang retailer ng isang trak ng bigas mula sa suplayer at sa iisang presyo.

Pero pagdating na sa mga kahon na roon ibinubuhos ang bigas, magkakaiba na ang presyo.

May kita na sa pinakamababang presyo, may kita pa sa overprice.

May milagro pa sa kalidad dahil ang wala sa kalidad na bigas, inihahalo sa may kalidad na bigas.

‘Yun bang === hinahaluan ng 2-4 kilong ‘di magandang bigas ang magandang bigas at inilalako sa presyong para sa magandang bigas.

PANDARAYA MULA SA SUPLAYER

Malaki rin ang pandaraya sa parte ng mga suplayer sa mga retailer.

Sa Jasmine rice lang, anak ng tokwa, halos peke na ito sa palengke.

Tanging ang sako na lang ang may tatak na Jasmine rice.

Mabango sa una, pero kapag binuksan at niluto mo na, daig pa ang bulaklak na walang bango.

Wala rin ang inaasahan mong sarap nito na kahit wala kang ulam at basta may asin ka, oks na oks na.

Eh ang mahal-mahal ang Jasmine rice.

Kung sa akala ninyo, eh, makabibili kayo sa mga sikat na mall ng mga tunay na Jasmine rice, aba, nagkakamalik kayo.

Matabang at walang bango rin ang mabibili mo sa mga iyan.

Peke na nga ang bigas, overpriced pa.

LOCAL RICE, UHM, ANG SARAP

Subukin ninyo, mga Bro, ang magluluwas-luwas mula sa Metro Manila hanggang sa mga lalawigan.

Pagtapat ninyo sa mga karinderya sa mga kalsada, subukin ninyong kumain.

Lalo na sa mga karinderya at lugar na palayan ang nakapaligid.

Bago kayo kumain, magtanong kayo kong lokal na bigas ang sinaing nila at kung tama ang iyong hinala, tsibugan na.

Kakaiba ang bigas na lokal na iyong isusubo, lokal na lokal at napakasarap kumain niyan.

Pakiramdam mo, iba talaga ang Pinoy rice.

Meron pa ngang mga brown rice at violet rice bagama’t kung magpaluto ka, espesyal na ‘yan.

PRESYO DAPAT BUMABA NA

Dahil anihan na, dapat bumaba na rin ang presyo ng bigas.

Pero nararamdaman lang talaga ito sa mga lalawigan na higit na palayan ang mga lupain kaysa pawang mga mga bahay, subdibisyon, pabrika, golf course at tubo ang nakatanim.

Pero sana, bababa na rin maging ang mga bigas sa mga lungsod, kasama na ang Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at iba pang may Metro riyan.

Previous articleRELASYON SA KALIKASAN
Next articleLotto Draw Result as of | October 5, 2023