Home NATIONWIDE Price cap sa bigas posibleng isang buwan lang – DTI

Price cap sa bigas posibleng isang buwan lang – DTI

590
0

MANILA, Philippines – Posibleng maipatupad lamang sa loob ng ilang linggo o isang buwan ang price ceiling sa bigas dahil inaasahan na huhupa rin ang presyo nito.

Sa panayam ng DZBB nitong Miyerkules, Setyembre 6, kay DTI Assistant Secretary Agaton Teodoro Uvero ipinunto niya na ang rice price cap na ipinatupad nitong Martes, Setyembre 5 ay isa lamang “temporary measure.”

“Nakikita natin na ‘pag dumating na ang anihan, in few weeks time magsisimula na ang anihan… Marami nang suplay na lokal, bababa na ang presyo ng bigas,” ani Uvero.

Sinabi pa niya na inaasahan ng mga awtoridad na bubuti ang suplay ng bigas sa susunod na tatlong linggo.

“‘Yun talaga ang usapan, hindi talaga tatagal ‘to… Si DTI, NEDA, at iba ‘yun talaga ang consensus, hindi talaga dapat tumagal ‘to… Ang tingin nga nila kung puwede, huwag lalampas ng isang buwan, pero depende po ‘yan sa magiging resulta ng merkado,” dagdag pa ni Uvero.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at DTI na maglatag ng price ceiling sa bigas sa bansa dahil sa tuloy-tuloy na pag-arangkada ng retail prices nito sa mga pamilihan.

Itinalaga ang price ceiling para sa regular milled rice sa P41 kada kilo, at P45 kada kilo sa well-milled rice, batay sa Executive Order No. 39, na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. RNT/JGC

Previous articlePBBM nakakuha ng $22M investment pledges sa ‘top companies’ ng Indonesia
Next articleKai Sotto nagpasalamat sa Gilas, bumwelta sa kritiko

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here