
NGAYONG Hunyo ay buwan ng “Pride” o “Pride Month”. Isang buwan nang pagbubunyi at pagkilala sa mga LGBTQA+.
Gustong-gusto ko itong identity na ito ng komunidad ng mga LGBTQA+ o ng mga Lesbians, Gays, Bisexuals, Transexuals, Queers, Asexuals at iba pa. Sa salitang kalye natin, mga bakla, tomboy, mga trans.
Sa mga milenyal, ang intindi ko ay mas madali raw sabihin o tandaan ang katagang “non-binary”. Ibig sabihin hindi dapat magpakahon sa dalawang uri ng kasarian na babae o lalaki lamang.
Mahirap ma-miss ang bandila ng selebrasyon ng Pride. Yan ang rainbow flag, na sinisimbolo ang kagandahan ng kabaklaan sa kabila ng pagkakaiba ng mga katauhan. Napakaganda ng presentasyon, pero malalim ang kahulugan.
Sa gitna ng iba-ibang magagandang kulay, buo ang kanilang pagkatao at buo ang pagkakaisa.
Ngayong Pride Month, importanteng halawin ang mga ginintuang aral nito.
Una, hindi sakit ang pagiging bakla at tomboy o LGBTQ. Ito ay gender identity. Hindi nakukuha ang kabaklaan o katomboyan mula sa isang bacteria o virus. Hindi rin ito namamana at hindi ito nkakahawa. Kaya wala rin itong medikal na gamot.
Pangalawa, hindi krimen ang pagiging bakla o tomboy. Walang nilalabag na batas ang isang non-binary person. Sa totoo nga, ginagarantiya ng Saligangbatas natin na walang sinoman ang dapat na ma-discriminate dahil sa kanyang kasarian.
Pangatlo, malaki ang ambag sa lipunan ng mga LGBTQ. Mula sa entertainment, fashion, food hanggang sa creative industries. Palagay ko nga, sila ang mga tagapagtaguyod ng mga inudstriyang ito. Mula sa mga maliliit na negosyo sa mga kanto ng barangay natin hanggang sa matatayog na gusali ng mga propesyonal, nariyan ang kontribusyon nila.
At dahil nga hindi nahihiyang ilantad ang kanilang pagkatao, madalas ay hindi naiintindihan at nadi-discriminate pa sila.
Gusto kong bigyan-diin ang isang mahalagang panukalang-batas para isulong ang interes ng LGBTQA community. Ito ang SOGIESC Equality Act na inihain ni Sen. Risa Hontiveros. Hindi na dapat patagalin at ibitin ang debate at botohan para sa bill na ito.
Ito na siguro ang pinaka-magandang regalo na matatanggap ng LGBTQA community ngayong Pride Month.