Home HOME BANNER STORY Prime suspect sa kaso ni Catherine Camilon ‘di dumalo sa Senate probe,...

Prime suspect sa kaso ni Catherine Camilon ‘di dumalo sa Senate probe, buntis na asawa idinahilan

MANILA, Philippines – Hindi dumalo sa imbestigasyon ng Senado ang pulis na itinuturing bilang primary suspect sa kaso ng pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon nitong Martes, Pebrero 27.

Sa simula ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabihan ng committee secretary si Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang chairman ng panel, na si Police Major Allan de Castro ay hindi makakadalo sa imbestigasyon dahil buntis umano ang asawa nito at sumasakit na ang tiyan.

Ani De Castro sa isang liham, ang kanyang asawa ay walong buwang buntis at “currently having immense pains.”

“I am personally attending to her and our incoming child as I am of the impression that there is a great risk on both my wife and my child who is still in her womb,” saad pa sa liham ni De Castro.

“I would like to personally apologize and hereby promise to attend to your joint hearing as soon as I can, after I have ensured that my family’s health and well-being are safe from danger. I will be furnishing the Honorable Committees the necessary proofs of my wife’s medical condition for your reference,” dagdag niya.

Sa kabila nito, ikinokonsidera ni Dela Rosa na ang dahilan ng primary suspect ay “flimsy alibi.”

“Hindi naman siya nanganak, hindi naman siya manganak. Bakit hindi siya puwede pumunta? If you are listening right now, Major De Castro, alam ko nagmo-monitor ka, you should come here. Di ‘yan rason na buntis ang asawa mo,” ani Dela Rosa.

“Ako noon, tatlo ang anak ko, pinanganak na wala ako sa [gilid] ng asawa ko. Nandoon ako sa bundok nag-ooperate laban sa NPA. Tatlong anak ko pinanganak na hindi ako talaga nakasama sa asawa ko sa pagpanganak. ‘Yun pa buntis pa, hindi pa naman nanganak. Very flimsy alibi,” dagdag pa niya.

Hindi rin nagpakita sa Senate hearing ang driver-bodyguard ni De Castro na si Jeffrey Magpantay. Ayon sa committee secretary, hindi maganda ang pakiramdam ni Magpantay.

Nagbabala si Dela Rosa na ang mahahalagang resource persons na hindi dadalo sa pagdinig ay posibleng isyuhan ng warrant of arrest ng Senado.

“Whatever alibi… Hintayin nila ‘yung subpoena and later pag isnabin pa rin nila ang subpoena, hintayin nila ang warrant of arrest. Magiging dalawa ‘yung warrant nila, warrant nila doon sa krimen na ginawa nila, at warrant coming from Senado,” anang senador.

Noong Oktubre 16, 2023, humingi ng tulong ang kapatid ni Camilon dahil nawawala ang biktima.

Limang araw matapos ang post, idineklara na si Camilon bilang “missing person” ng pulisya.

Kalaunan ay tinukoy ng mga awtoridad na posibleng sangkot sa pagkawala ni Camilon ang pulis na nagkaroon ng relasyon sa beauty queen.

Inihain na ang reklamong kidnapping at serious illegal detention laban kina De Castro, driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay at dalawa pang “John Does.” RNT/JGC

Previous articleDelivery rider na suma-sideline bilang tulak, arestado sa QC
Next articleKakulangan ng medical facilities sa top tourist destinations, iimbestigahan sa Senado