Home METRO Principal sa Isabela natagpuang patay sa Cagayan

Principal sa Isabela natagpuang patay sa Cagayan

ENRILE, Cagayan – Isa nang bangkay ng matagpuan sa bayan ng Enrile, Cagayan ang napaulat na nawawalang School Principal mula sa Santo Tomas, Isabela.

Una rito, nagpaalam sa kanyang anak at asawa na magwi-withdraw ito ng pera gamit ang kanyang Toyota Vios ngunit bandang alas-7:00 ng gabi ay hindi na matawagan pa ang biktima kaya’t kinabukasan, Enero 28 ng ipagbigay alam ng kapatid ng biktima sa himpilan ng pulisya na nawawala ang Ginang.

Ayon kay PMaj. Rufo Figarola Jr., hepe ng Santo Tomas Police Station, hindi nila isinasantabi o kinukumpirma na posibleng ‘suicide’ incident ang nangyari sa biktimang si Helen Rolan, 53 anyos, may asawa, isang School principal at residente ng Brgy. Barumbong sa nabanggit na bayan matapos na matagpuan ang kanyang bangkay sa ilog na sakop ng Enrile, Cagayan.

Nabatid na nagtangka na ring magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pag-inom ng kemikal ngunit ito ay naagapan at nailigtas.

Binigyang diin rin ni Figarola, na walang anumang indikasyon na may foul play sa pagkamatay ng biktima.

Aniya, ang sinasabing pera na nai-withdraw ng biktima at kanyang ATM card ay iniabot nito sa kanilang kapitbahay upang ibigay sa kanyang anak.

Dahil dito, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Sa ngayon, naiuwi na ang labi ng biktima sa kanyang tahanan habang patuloy naman sa pangangalap ng impormasyon ang pulisya para sa totoong nangyari sa biktima. Rey Velasco

Previous articleRomualdez naguguluhan kay PRRD: Federalism oks, pero economic constitutional reforms ayaw?
Next articleMiyembro ng Grease Gun Gang huli sa Kankaloo