MANILA, Philippines – HINDI aalisin sa prayoridad ng gobyerno para sa 2024 national budget ang nasa larangan ng imprastraktura, agrikultura, kalusugan at edukasyon.
Ito’y bunsod na rin na naka-pokus ang administrasyong Marcos sa 8-point Socio-Economic agenda at Philippine Development Plan 2023-2028.
Tinuran ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos ang nasimulang Build, Build, Build ng nakaraang administrasyong Duterte na tinawag namang Build, Better, More ng kasalukuyang gobyerno na inaasahang magpapataas sa GDP growth ng bansa.
Ang paliwanag naman ng Kalihim, pinanatili nilang nasa priority sector ang agrikultura gayung bukod sa hindi gaanong napag-ukulan ito ng kailangang suporta sa mga nakaraan ay kailangang matiyak ang value chain sa bansa.
Winika ng Kalihim na hindi nabigyan ng sapat na investment ang sektor ng agrikultura na sa mga nagdaang panahon ay sadyang napakababa ng naipagkaloob na suporta.
Samantala, kabilang din sa 2024 Budget Priorities Framework ang digital transformation, human capital development, climate action and disaster resilience, research, development, at innovation. Kris Jose