MALAKING hamon ngayon sa gobyerno kung paano tugunan ang lumalalang suliranin kaugnay sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot kung saan tumataas ang bilang ng mga adik sa kalsada dahil hindi masawata ng mga otoridad.
Ito ang inamin mismo ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa publiko makaraang pangunahan nito ang paglunsad ng ‘Buhay Ingatan Droga Iwasan’ sa Camp Simeon Ola,Legaspi City noong nakaraang Biyernes na dinaluhan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno mula sa nasyunal at lokal na pamahalaan.
Ang BIDA ay isang adbokasiyang naglalayong matuldukan ang pagkalat ng droga sa pamamagitan nang paghikayat sa komunidad na makiisa sa mga aktibidad laban sa ipinagbabawal na gamot at pagpapaunawa sa taumbayan lalo na sa mga kabataan hinggil sa masamang epekto nito sa kalusugan na ikinasisira naman ng mga miyembro ng pamilyang nagugumon dito.
Bagaman sinabi ni Abalos na umabot na sa P10 bilyong halaga ang iba’t-ibang uri ng droga ang nakumpiska ng otoridad sa loob ng anim na buwang panunungkulan ni Pangulong Bongbong Marcos subalit tila hindi matinag ang mga sindikatong nasa likod nito dahil nagmumula mismo sa Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang pinaniniwalaang sangkot sa bentahan at protector nito na ugat naman nang panawagan ng kalihim ng mass courtesy resignation ng mga kernel at heneral upang malinis ang hanay ng naturang mga ahensyang naatasang magtutuldok sa kalakaran.
Paano nga naman magigiba ang mga sindikato’t tulak ng droga kung ‘andyan pa rin ang tinaguriang ‘ninja cops’ mula sa PDEA at PNP na sabit sa recycling ng mga huling shabu na kanilang ipinakakalat sa kalye na mabilis namang tinatangkilik ng mga adik na natahimik noong panahon ng panunungkulan ni Tatay Digong.
Ibig sabihin,kailangan makita’t maramdaman talaga ng sambayanan na seryoso ang gobyerno na malansag ang mga sindikatong sa pamamagitan nang malawakan at makatotohanang paglulunsad ng giyera kontra droga na inumpisahan noong nakalipas na administrasyon at kumitil sa buhay ng ilang kilalang big-time pusher sa bansa.
Sabi nga ng dating PNP chief at ngayo’y senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa,kailangan ng asim at pangil ng kapulisan sa pagsawata ng iligal na droga para matakot ang mga tulak nitong minsan nang nanahimik noong panahon ni Tatay Digong.