
KUNG ano-anong napasukang kontrobersya nitong Department of Tourism dahil sa pagnanais na dumagsa ang turista na mag-aakyat ng kita sa bansa na batid naman nating isang paraan upang lumago ang ating ekonomiya.
Nariyang nagkaaberya ang kanilang promotional ad na ginastusan ng milyong halaga para lang makaakit ng mga turista at siyempre pati mga mamumuhunan na.
Pero naisip kaya ng pamahalaan na isa sa dahilan na rin kung bakit hindi masyadong dumaragsa ang mga turista sa bansa ay dahil na rin sa mga palpak na empleyado ng mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa?
May ilang reklamong narinig na ang Pakurot  sa mga kaibigang dayuhan na ilang beses na rin namang nagtungo sa Pilipinas bilang turista subalit nahihirapan sila sa pag-aaplay ng tourist visa sa mga embahada na nasa kanilang bansa.
Nakailang balik ang kanilang application dahil nga sa maraming hindi malinaw na panuntunan at hindi nirerebisang mabuting application.
Makailang beses na bumalik ang papel nila na hindi naman nakasaad kung ano ang kulang at dahilan kung bakit hindi sila mabigyan ng tourist visa. Ang nangyayari tuloy ay napapaso ang air ticket nila kung kaya’t kailangan nilang muling magpabook at muling gumastos.
Minsan, sa inis ng dayuhan na gustong mamasyal sa ating bansa kahit pa nakailang beses nang nakapunta, nagtutungo na lang sila sa ibang bansa na hindi man kasingganda ng mga destinasyon na tulad nang sa Pinas ay madali namang makapasok o hindi na nangangailangan ng tourist visa.
Kapag ganito nang ganito ang kinakaharap ng mga dayuhang nais magtungo sa Pilipinas upang masilayan ang likas na angking ganda nito na totoo namang nakahahalina, siyempre tatamarin at mananawa na ang mga ito dahil nga sa pinahihirapan pa sila gayung nais nga nila na magsaya o magliwaliw. Eh bakit pa sila magtitiis na mahirapan sa pagtungo sa Pilipinas? Doon na lang sila sa mas komportable para sa kanila. Tutal enjoyment and leisure ang plano talaga nila, kaya hindi na sila para ma-stress pa sa mga embahada ng Pinas na hindi pa friendly ang mga nagtratrabaho.
O, Department of Foreign Affairs, Bureau of Immigration, DOT at iba pang sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa pagtanggap ng mga bisita sa bansa, pwede bang aksyunan n’yo ang problemang ito?