Home NATIONWIDE Programa para sa solo parents sinimulan na ng DSWD

Programa para sa solo parents sinimulan na ng DSWD

MANILA, Philippines – Pormal nang sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pilot na pagpapatupad ng Strengthening Opportunities for Lone Parents, o Programa SOLO—isang programang nilikha para tulungan ang mga solong magulang na gampanan ang kanilang mga responsibilidad bilang magulang.

Isang memorandum of agreement (MOA) ang nilagdaan noong Pebrero 15 sa Lapu-Lapu City Hall sa lalawigan ng Cebu, na naglalayong simulan ang pagpapatupad ng programa, itaas ang kamalayan, at bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga solong magulang at kanilang mga dependent.

Ang paglagda ay pinangunahan ni DSWD Undersecretary for Innovations Edu Punay, Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, at DSWD-Field Office 7 (Central Visayas) Regional Director Shalaine Marie S. Lucero.

Ang mga target na kliyente ng programa ay kinabibilangan ng mga solong magulang na may dalawa hanggang tatlong anak na wala pang 22 taong gulang na hindi nagtatrabaho, mga solong magulang at kanilang mga pamilya na magkakalapit na nakatira, at mga solong magulang mula sa iba’t ibang kategorya na tinukoy ng Republic Act 11861, na kilala rin bilang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Bilang karagdagan sa Lapu-Lapu City, ang Programa SOLO ay pilot test sa Anda, Pangasinan, at Panabo City, Davao del Norte.

Magkakaroon ng 30 benepisyaryo bawat pilot area.

Muling iginiit ni Punay na sinusuportahan ng DSWD ang kapakanan ng solo parents sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pagkakataon para sa kanila na gampanan ang kanilang mga responsibilidad bilang magulang sa pamamagitan ng Programa SOLO. Santi Celario

Previous articleSobrang tutok sa gadget nagpapataba, nagpapabagal sa brain development ng bata – eksperto
Next articleFrat members tumakbong hubo’t hubad vs people’s initiative