Home METRO Programang malnutrisyon at kontra gutom inilunsad ng IPSK Foundation sa Paranaque

Programang malnutrisyon at kontra gutom inilunsad ng IPSK Foundation sa Paranaque

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Isang Plato Sagot Ko (IPSK) Foundation, Inc. nitong Lunes (Nobyembre 27) ang isang programa na naglalayong matugunan ang kagutuman at malnutrisyon ng libu-libong residente sa lungsod ng Paranaque.

Pinangunahan ni IPSK Foundation, Inc. President Aileen Claire Riate-Olivarez ang paglulunsad ng foundation na dinaluhan hindi lamang ng kanyang mga tagasuporta kundi pati na rin ng mga lider ng komunidad at mga opisyal ng pamahalaan na ginanap sa Heritage Hotel, Pasay City.

Sa naturang kaganapan ay nagbigay ng pambungad na mensahe si Paranaque City Mayor Eric Olivarez habang nagbahagi naman ng kanyang inspirational message si Jovita Raval ng National Nutrition Council (NNC) na sinundan ng paglalatag ni Riate-Olivarez ng mga plano at programa ng foundation.

Sinabi ni Riate-Olivarez na simula nang maupo siya bilang City Nutrition Action Officer (CNAO) kasunod ng paghalal sa kanyang asawang si Eric bilang mayor ay nasaksihan niya ang malalang problema ng malnutrisyon at kagutuman sa kanyang pagbisita sa iba’t-ibang sulok ng barangay sa lungsod.

Batay sa inilabas na bagong datos ay mayroong 1,487 na underweight at 2,351 ang bansot na mga bata samantalang 304 naman ang mga severely wasted at 1,012 din ang mga overweight.

“I have personally witnessed the plight of families, especially children and the aged, battling hunger and malnutrition. This has sparked a deep responsibility within me to do something to address this problem,” ani Riate-Olivarez.

Agad siyang kumilos sa tulong ng kanyang kapatid na si Peggy Ann Riate-Sienes, na tumatayong Vice President ng IPSK kung saan nakipag-ugnayan sila sa mga propesyonal, pilantropo, at mga eksperto sa ibat-ibang larangan na pawang nagpahayag ng kahandaang tumulong sa kanilang proyekto.

Layon ng foundation na magbigay ng tulong at pagkain, pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad tuwing may sakuna, pagbibigay sa mga benepisyaryo ng training at mga programa ukol sa nutrisyon, at pagpapalakas sa mga komunidad para gumawa ng sarili nilang pagkain.

Bilang bahagi ng kanilang aksiyon, magpapakilos ang IPSK ng hunger warriors at champions na magtataguyod ng food justice at pantay na access sa mga tulong at iba pang pangangailangan para sa mahihirap na komunidad.

“We will hit the ground running as soon as possible to reach out to many poor Paranaquenos who are in need of immediate assistance,” ani pa Riate-Olivarez na nagsabing plano din ng foundation na magsagawa ng feeding program sa darating na Enero 27, 2024. (James I. Catapusan)

Previous articleAPPF reso sa maritime disputes tinintahan na ng Tsina
Next articlePamamahagi ng mga kagamitan sa pampublikong paaralan