Manila, Philippines-Malaking pagbabago sa mga buhay ng dating rebelde ang alok ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na amnestiya.
Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity of the Philippines, Carlito Galvez Jr.
Sa isang pulong balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict, sinabi ni Galvez mapabibilis ng ‘amnesty’ ang transpormasyon mula sa pagiging dating rebelde tungo sa muling bahagi ng tamang lipunan ang mga magpapasakop sa amnestiyang alok ni PBBM.
Ani Galvez, inaayos na ng National Amnesty Commission ang mga bagay na sasaklaw sa pagpapatupad ng amnesty program para sa mga kwalipikadong grupo ng mga rebelde katulad ng mga sesesyunistang Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front at maging ng CPP-NPA-NDF.
“Di lamang mabibigyan ng paraan ang mga nagawang kamalian ng mga dating rebelde, kundi makapagsisimula pa sila ng panibagong buhay,” ang paliwanag ni Galvez.
“Nakikita nila (former rebels) ang sincerity ng goverment, offering civil protection while their offenses will also be extinguished (through this amnesty),” dagdag pa ni Galvez.
Si Galvez, na siya ring tumanggap at nagpasakop sa amnesty noong 1989 dahil sa kanyang pagsali sa coup de etat laban kay dating Pangulong Corazon Aquino, ay naniniwalang ‘di lang babaguhin ang buhay ng mga dating rebelde, mabibigyan pa sila ng ‘socio-economic programs’ na magpapaunlad sa kanila.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres na ang amnesty ang magiging behikulo ng bansa tungo sa daan ng tagumpay na tapusin na ang rebelyon sa bansa.
Sa tinatayang 1,865 natitirang mga CPP-NPA-NDF, sinabi ni Torres na pihadong magpapasakop na lamang ang mga ito sa amnestiya, dahil wala na ring tumatayong lider ng mga komunistang-terorista.
Si Joma Sison ay patay na at ang iba pang matataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF ay mga napaslang na rin at ang iba ay nagsisuko na.
Ang local peace engagement, na paraang ginamit ng pamahalaan aniya, ang lalong nagpahirap sa pagkilos o pagsasagawa ng mga operasyon ng CPP-NPA-NDF. At di na nila makuha ang suporta ng mga residente sa malalayong mga barangay dahil bumubuhos na rin doon ang basic services ng pamahalaan upang talikuran ang komunistang-teroristang samahan.
Naniniwala ang dalawang opisyal na sa amnesty na alok ni PBBM sa mga rebelde magtutuloy na Ang kapayapaan inaasam ng lahat, kasunod ang kaunlaran na pagiibayuhin na lamang upang magtuloy-tuloy ang kaginhawaan sa lahat ng bahagi ng Pilipinas. RNT