Home NATIONWIDE Property mula sa ‘Marcos crony’ ipinalilipat sa lumber workers

Property mula sa ‘Marcos crony’ ipinalilipat sa lumber workers

MANILA, Philippines- Nagpalabas ang Sandiganbayan ng writ of execution para sa naunang deklarasyon na ang mga empleyado ng  Lianga Bay Logging Co., Inc. (LBLCI) ang “rightful owners” ng mayorya ng shareholdings ng kompanya.

Sa isang resolusyong nilagdaan noong Nobyembre 7, sinabi ng 5th division ng anti-graft court na ang July 18, 2023 decision ay “final and executory” na walang anumang apela o pleading  mula sa defendant.

“Let therefore, a Writ of Execution issue to enforce the Resolution promulgated on July 18, 2023,” ayon sa korte.

Ang writ of execution ay isang court order na nag-uutos na simulan ang paglilipat ng assets kasunod ng judgment.

Matatandaang sa ipinalabas na kautusan ng Sandiganbayan noong Hulyo 2023, pinaboran nito ang Diatagon Labor Federation (DLF), isang unyon na nakabase sa Mindanao, na makuha ang 60% ng LBLCI.

Napag-alaman ng korte na “the 60% of the shareholdings of Lianga Bay Logging Co., Inc. (LBLCI) including all its assets, resources, and intangibles as rightfully owned and/or for the benefit of the employees and workers of LBLCI who are all members of Intervenor Diatagon Labor Federation (DLF).”

Sinabi pa ng korte na ang DLF members ay may karapatan na mabayaran ang kanilang retirement benefits, separation pay, insurance premiums, unpaid salaries, wages at back wages, at iba pang benepisyo.

Sa ulat, ang defendant na si Peter Sabido, umano’y crony ng ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ay napag-alamang may pananagutan sa DLF para sa moral damages na nagkakahalaga ng ₱1 milyon, exemplary damages na ₱1 milyon, at halaga ng paghahabla o demanda na  ₱100,000.

Nauna nang binasura ng Sandiganbayan ang ill-gotten wealth case na isinampa laban kina Marcos, Sabido, at iba pang umano’y cronies.

“The plaintiff (Presidential Commission on Good Government) failed to prove by preponderant evidence that the properties alleged in the complaint are ill-gotten and/or was beneficially owned and controlled by former President Marcos and his family,” ang sinabi ng Sandiganbayan sa ginawa itong pagbasura sa civil case.

Sa pagbasura ng lawsuit, naghain naman ng appeal ang DLF at sinabing si Sabido “unlawfully obtained” ang kanyang shares sa LBLCI, dahilan para magpalabas ng desisyon ang korte noong July 2023.

Nakasaad sa July ruling, “the DLF presented documentary evidence to support their 60% claim of LBLCI’s shares, including a Stock Sale Agreement dated July 2, 1974, which revealed Georgia-Pacific International Corp (GPIC) sold 35,432 shares, or 60% of the logging firm, to “employees and workers.”

May isa pang dokumento na may petsang Nov. 17, 1986 mula sa  LBLCI’s Fiscal Committee, ang nagsabi na ang union ay mayroong 34,647 shares, o 57.5% ng kompanya. Kris Jose

Previous articleMga nakilahok sa transport strike ‘di parurusahan – Guadiz
Next articleDENR chief kinastigo sa madalas na pagbiyahe sa ibang bansa