MANILA, Philippines – Malabo nang maituloy ang planong joint military exercises na inaalok ng China sa Pilipinas, kasunod ng mga pinakahuling tensyon sa West Philippine Sea, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. nitong Linggo, Agosto 27.
“Well, sa ginagawa nila, talagang mukhang malabo na po,” sinabi ni Brawner sa panayam ng DZBB.
Noong Hulyo ay inanunsyo ng AFP chief na nag-alok ang Beijing na magkaroon ng joint military drills kasama ang Manila.
Sinabi naman ng National Task Force on the West Philippine Sea na ang Pilipinas at China ay walang visiting forces agreement na makasasakop sa joint military exercises sa pagitan ng dalawang bansa.
Posible namang maituloy ang military drills sa ibang bansa na ikinokonsider ng Pilipinas bilang “partners” katulad ng United States, Japan, at Canada.
“Kailangan nating ipaalam sa buong mundo ang nangyayari dito sa South China Sea. Dahil ‘yung mga nangyayaring ito recently, we have been successful in exposing ‘yung mga ginagawang coercive and dangerous tactics ng China,” dagdag pa ni Brawner. RNT/JGC