Home NATIONWIDE Protective reliefs pabor sa 2 environmentalist ipinagkaloob ng SC

Protective reliefs pabor sa 2 environmentalist ipinagkaloob ng SC

MANILA, Philippines – Ipinagkaloob ng Supreme Court (SC) ang petisyun na writ of amparo at writ of habeas data na isinampa ng dalawang environmental activists na dinukot umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong nakaraang taon sa Bataan.

Kinatigan din ng SC ang hirit ng mga petitioner na sina Jonila Castro at Jhed Tamano na mabigyan ng temporary protection order.

Nakasaad sa desisyun ng SC na napatunayan nina Castro at Tamano ang kanilang alegasyon laban sa AFP kung kaya nararapat na maprotektahan ang kanilang karapatan sa pamamagitan ng legal remedies.

Nakita ng Mataas na Hukuman ang mga elemento ng enforced disappearance matapos pwersahan na kunin ang mga petitioners noong September 2, 2023.

Napatunayan ang alegasyon sa pamamagitan ng affidavit ng isang miyembro ng grupong Karapatan Gitnang Luzon, ang inilabas na larawan ng suot na sapatos ng dalawa na naiwan sa lugar kung saan sila dinukot. Patunay ito na nanlaban pa ang dalawang batang aktibista sa mga dumukot sa kanila.

Sinabi rin sa desisyun na pinilit rin ng ina ni Castro na si Rosielie na hanapin ang nawawalang anak. Nagtungo pa si Rosielie sa Orion municipal police para ireport ang pagkawala ng anak ngunit hindi nakipagtulungan ang mga pulis.

Inilabas ng SC ang temporary protection bilang interim relief laban sa mga otoridad na siyang respondents sa kaso.

Pinagbawalan ng Korte ang mga respondent na lumapit sa mga petitioner at sa kanilang mga pamilya “within a radius of one kilometer”.

Kabilang sa mga respondent ay sina Lieutenant Colonel Ronnel B. Dela Cruz at mga miyembro ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, Captain Carlito Buco at mga miyembro ng Philippine National Police Bataan, National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Magugunita na iprinisinta sa media ng NTF-ELCAC sina Castro at Tamano na boluntaryo umanong sumuko ngunit pumalag ang mga ito at iginiit na sila ay dinukot ng militar. Teresa Tavares

Previous articleMotor taxi rider umamin sa pagpatay sa ka-live-in sa Antipolo
Next articleHudas, timbog sa drug ops: P2.4M shabu nasamsam sa Valenzuela