MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukalang nagsusulong sa mekanismo at proteksyon sa mga guro sa mga isyu ng pagdidisiplina sa mga estudyante.
Sa pangunguna ng chairman ng komite na si Pasig City Rep. Roman Romulo ay naikasa ang panukalang amendments upang mabigyan naman ng proteksyon ang mga guro pagdating sa pagbibigay-disiplina sa mga estudyante at classroom management.
“May mga teachers rin na kawawa talaga. Wala rin talagang ginawa, tapos biglang kakasuhan. Talagang kawawa ung retirement pay,” ayon kay Romulo.
Ang draft substitute bill ay papasok sa Section 5 upang ang mga guro ay hindi maibilang na dapat maparusahan sa ilalim ng Republic Act (RA) 7610 o mas kilala bilang Child Abuse Law.
Sakop din ng panukala ang mga school personnel sa mga public basic education institutions, batay sa substituted House Bills (HBs) 364, 549 at 6940 na inakda nina Reps. Marissa ‘Del Mar’ Magsino (Party-list, OFW), France Castro (Party-list, ACT TEACHERS), at Edwin Olivarez (1st District, Parañaque City).
Binigyang diin ni Castro sa kaniyang pag-sponsor sa HB 549, na bagama’t dapat proteksyunan ang mga bata ay kailangan din naman aniyang mabigyan din ng proteksyon ang mga guro upang hindi maituring na pag-abuso sa bata gaya ng nakapaloob sa RA 7610 ang aksyon ng guro at school personnel kung ito naman ay naaayon sa “disciplinary rules and procedures” ng Department of Education.
Sa panukalang ito ni Castro ay isinulong niyang maging matatag ang suporta sa mekanismo para sa mga guro at school personnel sa usapin ng pagtuturo, pagmamando, pangangasiwa ng silid-aralan maging sa pagbibigay ng disiplana.
Advertisement