MATAPOS ang mahigit apat na taon, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 297 ay inalis na ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang deklarasyon ng “State of Public Health Emergency due to COVID-19 pandemic”.
binase ang proklamasyon sa ulat ng International Health Regulations Committee ng WHO o World Health Organization na patuloy na bumababa ang bilang ng mga nasasawi sanhi ng coronavirus gayundin ang mga nadadala sa intensive care unit o ICU, at ang malaking bilang ng populasyon na nabakunahan na.
Kinatigan ni WHO director general Tedros Adhanom Ghebreyesus ang ulat at sinabing hindi na isang “public health emergency of international concern” ang COVID-19. Sa halip ay inirekomenda ang “transition to long-term management” ng pandemya.Nakapaloob sa proklamasyon ang –
· Pagpapawalang bisa sa mga kautusan na epektibo lamang sa panahon ng public health emergency kabilang ang pagsusuot ng face mask.
· Mananatiling balido sa loob ng isang taon ang mga inilabas na EUA o emergency use authorization ng Food and Drug Administration para masiguro na mauubos ang mga natirang bakuna at hindi masayang lamang.
Pero paglilinaw ng Malacañang Palace, hindi sinasabi ng pamahalaan na wala na ang COVID-19, bagkus ay kinikilala na nagpapatuloy ang banta nito pero partikular na lamang ito sa subpopulation natin, at may sapat na kahandaan at nakalatag na protocol saka-sakaling muling aakyat ang bilang ng mga magkakasakit.
Magpapatuloy pa rin ang kampanya ng Department of Health para sa pagpapabakuna sa general population, at pagkakaloob ng bivalent doses kontra original strain at Delta variants para sa health workers at senior citizens.
Ipinapayo pa rin ng DOH na ipagpatuloy ng publiko ang nakagawiang minimum health protocol kabilang ang pagsusuot ng face mask, regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol, at pag-iwas sa sobrang mataong mga lugar, hindi na lamang para sa COVID-19 kundi pag-iingat sa iba pang mga communicable diseases.
Matatandaan na noong March 8, 2020 ay idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasailalim sa buong bansa sa isang public health emergency base sa rekomendasyon ng DOH.
Suportado ng Philippine College of Physicians at maging ng business community ang pag-aalis ng public health emergency status sa bansa.
Para naman sa Private Hospital Association of the Philippines, nasa mga pribadong ospital na kung magpapatupad ito ng pag-aalis ng paggamit ng face mask.