Home NATIONWIDE Publiko pinag-iingat ng VP Sara sa scammers na gumagamit ng kanyang pangalan

Publiko pinag-iingat ng VP Sara sa scammers na gumagamit ng kanyang pangalan

MANILA, Philippines- Nagbabala si Vice President Sara Duterte nitong Martes sa publiko laban sa scammers na gumagamit ng kanyang pangalan upang mangalap ng pera para sa kanyang campaign funds.

Ayon kay Duterte, nagpapakilala pa ang ibang scammers bilang empleyado ng Bureau of Customs o iba pang government agencies.

“Ang kanilang pakay ay ang makakuha sa inyo ng pera na umano ay pondo para sa kampanya. Ito ay isang scam,” babala ni Duterte.

“Wala po akong inutusan na sinuman upang manglikom ng pera para sa politika o kahit na anong klaseng gawain o layunin,” dagdag niya.

Hinikayat niya ang publiko na iulat sa mga awtoridad ang anumang impormasyon ukol sa nasabing modus.

Inihayag ito ni Duterte ilang araw matapos magbabala ng Office of the Vice President sa publiko laban sa pekeng social media post na kumakalat online gamit ang kanyang pangalan at larawan.

Hinihikayat sa post ang mga indibidwal sa pamamagitan ng pag-click sa link, kung saan nakasaad na nag-aalok si Duterte ng libreng cash at groceries. RNT/SA

Previous articlePNP nakapagtala ng 7 kaso ng illegal discharge of firearms
Next articlePinas swak sa ‘top performing Asian countries’ ngayong 2023