Home METRO Puganteng Chinese naharang ng BI

Puganteng Chinese naharang ng BI

MANILA, Philippines- Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa illegal gambling.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang 37-anyos na si Wang Yilin ay nahuli sa NAIA 3 terminal noong Mayo 29 matapos itong dumating sa pamamagitan ng Thai Airways flight mula Bangkok.

Nabatid na hinarang ang nasabing dayuhan matapos makita ang kanyang pangalan sa red notice list ng Interpol.

“Wang was deported to Guangzhou two days later at the request the Chinese government which informed the BI about his status as a wanted fugitive in China,” ani Tansingco.

Kasama rin si Wang sa wanted list ng Interpol na kamakailan ay naglabas ng red notice para sa kanyang pag-aresto.

Ayon sa BI-Interpol, ang warrant para sa pag-aresto kay Wang ay inisyu ng Bengbu municipal public security bureau sa Anhui province, China noong Setyembre 28 ng nakaraang taon.

Inakusahan ng mga imbestigador na noong 2019 ay nakipagsabwatan si Wang sa isa pang suspek sa pagpapatakbo ng isang sindikato ng isang gambling platform sa Internet kung saan nakibahagi ang mga customer sa mga laro sa online na pagsusugal tulad ng Baccarat bilang paglabag sa China’s anti-gambling laws.

Tinatantya ng mga awtoridad ng China na ang kinita ni Wang at ng kanyang mga kasabwat mula sa raket ay umabot sa higit sa 60 milyong yuan, o halos US$8.3 milyon.

Dahil dito, si Wang ay inilagay sa immigration blacklist na tuluyang humadlang sa kanya sa muling pagpasok sa Pilipinas. JAY Reyes