Home METRO Puganteng Chinese nasakote ng BI

Puganteng Chinese nasakote ng BI

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na binansagan ng kanyang bansa bilang pugante o takas sa hustisya.

Ibinahagi ni BI Tourist Visa Section Chief Raymond Remigio na ang Chinese na kinilalang si Luo Xinya, 27-anyos, ay naharang noong Hunyo 26 makaraang tangkain nitong palawigin ang kanyang visa.

“He probably thought he could continue hiding in the country despite his arrest warrant in China,” ani Remigio.

“What he doesn’t know is that our system is connected to the BI’s centralized database of derogatory records, allowing us to immediately detect those with deportation orders,” dagdag ng opisyal.

Nabatid na iprinisinta ni Luo ang kanyang sarili para sa assessment sa punong tanggapan ng BI sa Intramuros, Maynila nang ipasok ni Special Investigator Teresa Javier ang mga detalye ng kanyang pasaporte, na nagbunga ng pagkakadiskubre na may kinahaharap itong summary deportation na inisyu ng BI noong 2023.

Si Luo ay ipatatapon sa kanilang bansa matapos ipaalam ng mga awtoridad ng China sa ahensya na mayroon siyang standing detention warrant na inisyu ng Chongqing Hechuan District Public Security Bureau ng People’s Republic of China.

Dahil dito, itinuring si Luo bilang isang undesirable alien at inutusang i-deport ng board of commissioners ng BI.

Kalaunan ay inaresto siya ng mga operatiba ng fugitive search unit ng BI, at inilipat sa pasilidad ng warden ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang pagpapatupad ng kanyang deportasyon. JAY Reyes