Home METRO Puganteng Taiwanese, kasamahan arestado sa online scam

Puganteng Taiwanese, kasamahan arestado sa online scam

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Taiwanese fugitive na wanted sa online fraud at human trafficking sa isinagawang operasyon sa Makati City.

Ayon sa BI, inaresto ang dayuhan na si Yuan Bo-Chun at kasama nitong si Lin Jyun-Ze sa isang condominium unit ng mga tauhan ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BI-FSU) at ilang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nabatid na si Yuan ang nagtungo sa Pilipinas matapos niyang ibenta ang mga kapwa Taiwanese na indibidwal sa mga scamming center sa Cambodia.

Gayunman, ang online fraud ay dinala pa umano nito sa Pilipinas.

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Sy, sa isinagawa nilang operasyon ay natagpuan nila ang gumaganang computer at text blast machine na nakatago sa apat na condo unit, na target ang mga rehistradong numero sa Pilipinas.

Nabatid na ang mga script na ginamit sa kanilang mga text blast scam ay natagpuan din, kung saan kahit sino ay maaaring mag-claim ng kanilang e-wallet kapag sila ay nakarehistro sa kanilang mga spamming link.

Bukod dito, narekober din ng mga awtoridad ang apat na high-powered assault rifles na may laser at scope, magazine, at iba’t ibang bala mula sa ibang bansa, kabilang ang mga garapon ng “kush’ at drug paraphernalia.

Kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Dangerous Drugs Act ang isinampa laban sa dalawang Taiwanese. JAY Reyes

Previous articleExtension ng PUV consolidation, inaprubahan ni PBBM
Next article10 palapag na pampublikong paaralan sa Tondo, binuksan na