ZAMBOANGA DEL SUR- ARESTADO ang isang pulis at kasabwat nito sa pinaigting na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga smuggler matapos makuhanan ng smuggled na sigarilyo noong nakaraan linggo.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Police Corporal Ladja Abdul Michael Taulani, 36, at Brown Edward Aquino Charlies, 28, ng Barangay Culo, Molave, Zamboanga del Sur.
Ayon sa CIDG field unit nakatanggap sila ng report hinggil kay Taulani at ng kanyang mga kasamahan na nagbebenta ng smuggled na sigarilyo sa Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Sur.
Agad na inilatag ang operasyon laban sa mga suspek katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Health (DOH).
Nagpanggap na bibili ng sigarilyo sa mga suspek ang isang undercover na pulis at ng mag positibo at agad na dinakma ang mga ito ng operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang 16 na kaso ng Astro (Red) na sigarilyo na nagkakahalaga ng P560,000, isang pistola na may dalawang magazine assemblies at 25 basyo ng bala, dalawang kotse, at marked peso bills.
Dinala sa CIDG Zamboanga del Sur Provincial Field Unit ang mga suspek at ang mga nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8434, o ang “Tax Reform Act of 1997,” at Republic Act 10643, o ang “Health Graphic Warning Law,”ang mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office.
Sinabi naman ni CIDG director Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. na maaari ring maharap si Taulani sa kasong administratibo dahil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na aktibidad./Mary Anne Sapico