Home METRO Pulis, kasama pinagtulungan bugbugin ng mga kagawad at tanod

Pulis, kasama pinagtulungan bugbugin ng mga kagawad at tanod

MANILA, Philippines – PINAGTULUNGAN bugbugin ng walong kalalakihan, kabilang ang dalawang kagawad ng barangay at executive officer (Ex-O) ang isang pulis at kasamang sibilyan matapos dakpin ang isang lalaking sangkot sa iligal na droga sa Caloocan City.

Kinilala ang mga biktkma na sina PCpl. Roger Lagarto, nakatalaga sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at sibilyang si Adrian Villagomez, 37, ng Libis Espina, Brgy. 18, makaraang magtamo ng seryosong pinsala at mga sugat sa ulo, mukha at buong katawan, batay sa inilabas na medico-legal certificate ng kanilang attending physician.

Agad namang iniutos ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang manhunt operation laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip kina Kagawad Jimmy Marinda, 53, at Ex-O Ferdinand Basmayor, 43, ng Brgy. 36, na kapuwa positibo sa alcohol nang isailalim sa medical examination, habang tinutugis pa ang isa pang Kagawad na si Renato Rivera, alyas “Tisoy” at lima pang kalalakihan.

Base sa natanggap na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsasagawa ng paniniktik at pagmo-monitor ang mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni PSSg. Jason Taguba sa Barangay 36, dakong alas-11 ng gabi nang arestuhin ni PCpl. Lagarto at kasamang sibilyan si alyas “Joshua” na siyang target ng kanilang operasyon matapos mamataan sa kahabaan ng Marulas B St., Brgy, 36.

Nang dadalhin na sa Barangay Hall ang suspek upang isailalim sa imbentaryo ang nakuha sa kanyang iligal na droga, dito na sila hinarang at pinagtulungang gulpihin ng mga kalalakihan, kabilang ang dalawang Barangay Kagawad at Ex-O, kahit nagpakilala na si Lagarto na isang pulis.

Ayon kay Col. Lacuesta, sasampahan ng patong-patong na kasong obstruction of justice, direct assault at serious physical injuries ang mga barangay official at kanilang mga kasama sa Caloocan City Prosecutor’s Office. R.A Marquez