Home NATIONWIDE Pulis, MILF member tiklo sa illegal na pagbebenta ng armas

Pulis, MILF member tiklo sa illegal na pagbebenta ng armas

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal kabilang ang isang pulis, dahil sa illegal na pagbibenta ng armas sa Maguindanao.

Ayon sa ulat, naaresto sina Police Master Sergeant Datu Halil Utto Diocolano at Asrap Gumama Buwao, alias “Kagui Darwin,” miyembro ng Moro Islamic Liberation Front, ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group.

Ang impormasyon ay nag-ugat sa sumbong kaugnay sa illegal na pagbibenta ng mga armas, na maituturing umanong “large-scale.”

“Matagal nang problema ‘to, yung pagbebenta ng mga baril. They are selling these illegal firearms online at talagang ang dami nilang customer na bumibili,” sinabi ni CIDG Director Police Major General Romeo Caramat Jr.

Narekober mula sa mga suspek ang matataas na kalibre ng armas at libo-libong bala.

“Doon sa nahuli naming baril ay pagmamay-ari ng Armed Forces of the Philippines pati yung mga libu-libong ammunition, malaking problema ito. Bakit yung pagmamay-ari ng gobyerno na mga baril ay napupunta sa unscrupulous individuals,” ani Caramat.

“Mga machine gun, high explosives, grenade launcher ay hindi basta-basta to kung saan nagmumula, this is a big transaction,” dagdag pa niya.

Hindi pa malinaw kung paano nagkakilala ang naarestong pulis at MILF member.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Patuloy din na iimbestigahan ng CIDG kung paano nagkaroon ng armas ang mga suspek, partikular na ang mga government firearm. RNT/JGC

Previous articleIlang lugar sa Luzon sasailalim sa maintenance ng Meralco mula Peb. 12 ‘gang 18
Next articleDalagita at ginang nilamon ng ilog